EDITORYAL - Huwag i-display at ipagyabang ang baril
MAY ilang Pinoy na kapag nakahawak ng baril ay nag-iiba ang takbo ng utak. Umaakyat ang yabang sa ulo at nalilimutan na ang sinumpaan hinggil sa tamang paghawak ng baril. Nawawala na sa katinuan at kusa nang ipinakikita ang baril sa baywang para ipantakot.
Noong nakaraang linggo, isang nagngangalang Charles Sullivan, presidente umano ng AMA ang nakitaan ng baril sa baywang habang minamaltrato ang isang gasoline boy sa Quezon City. Ayon sa gasoline boy, inutusan siya ni Sullivan na salinan agad ng gasolina ang sasakyan. Isang card ang gamit ni Sulli van para makargahan ang kanyang sasakyan. Pero sabi ng gasoline boy, ibe-verify muna ang card bago magsalin ng gas. Nagalit si Sullivan at nilapitan ang gasoline boy at tangkang sapakin. Kuhang-kuha ng ABS-CBN camera ang tangkang pagbubuhat ng kamay sa gasoline boy. Naawat lamang si Sullivan kaya hindi natuloy ang pagsapak. Kuhang-kuha rin ang nakasuksok na kalibre .45 sa baywang ni Sullivan. Siguro kung walang nakaawat kay Sullivan, baka binaril na niya ang kawawang gasoline boy. Marami nang ganitong kaso na ang nakasuksok na baril ay ipinangtatakot o ipinangsisindak lalo na’t kung inaakalang walang ilalaban ang nakaargumento kagaya ng gasoline boy na minaltrato ni Sullivan. Paano nga kung naiputok ang baril. Madali lang bunutin ang baril na nasa baywang at sa isang iglap, patay ang nakatalo. Mas malakas ang loob ninuman kapag may baril na nasa baywang. Marami nang buhay ang nasayang dahil sa walang katuturang paggamit sa baril. Halimbawa ng mga krimeng naganap dahil sa baril ay ang kaso ni Claudio Teehankee at Rolito Go. Binaril nila nang walang kalaban-laban ang mga nakatalong kabataan.
Ang pag-abuso sa paggamit ng baril ay agad namang inaksiyunan ni PNP chief Dir. Gen. Jesus Verzosa. Napanood ni Verzosa ang ginawang pagmaltrato ni Sullivan sa gasoline boy at ipinag-utos niyang bawian ng lisensiya ang mayabang na opisyal. Hindi raw dapat isyuhan ng lisensiya si Sullivan. Isang kautusan din ang ginawa ng PNP chief kaugnay sa ginawang kayabangan ni Sullivan. Ayon sa utos ni Verzosa, ipagbabawal na ang pagdi-display ng baril sa baywang, ma-pulis man o ma-sibilyan. Dapat daw na ilagay ang baril sa isang maayos na lalagyan gaya ng clutch bag para hindi ito makita. Sa ganitong paraan, walang makikitang yabang sa sinumang inisyuhan ng baril. Sana, maipatupad ito nang maayos para wala nang katulad ni Sullivan na umakyat sa ulo ang yabang. Aabangan namin ang kautusan ni Verzosa.
- Latest
- Trending