NAG-ISIP ako nang mapakinggan ang salaysay ni Eugenio Vagni nung siya’y bihag pa ng Abu Sayyaf. Sinalaysay niya ang matinding hirap sa gubat. Kailangan daw nila maglakad nang maglakad para hindi matagpuan ng mga militar na bumubuntot sa kanila. Hirap siya dahil may hernia, na lalong sumasakit kapag gumagalaw. Ayon sa Italiano, ang nagbigay lakas sa kanya para malampasan niya ang matinding pagsubok ay ang kanyang pamilya, lalo na nang makausap niya ang kanyang asawa at sinabihan siya na hinihintay lang nila siyang makalaya. At ang paggunita ng mga masasayang okasyon at oras. Para kay Vagni, iyon ay ang pagkain ng lanzones. Sa mga oras ng matinding krisis, mga simpleng kasayahan katulad niyan ay napakahalaga. Kaysa naman iyong naiisip niya na nasa isang malaking kaing ang kanyang pugot na ulo!
Kaya may tinatawag na “comfort food” o ang mga pagkaing nagbibigay kasiyahan at kaaliwan. Mga pagkaing magbabalik sa ating kabataan, na malamang ay inihanda ng ating mga nanay — tinola, dinuguan, menudo at iba pa. Para sa akin, ang kare-kare at paella ng nanay ko ang nagpapasaya sa akin sa tuwing umuuwi ako sa bahay na kinalakihan namin. Ngayong yumao na siya, ginugunita ko na lang ang mga panahong iyon, at sumasaya rin ako. Para kay Vagni, na isang Italiano, maaaring hindi lang lanzones ang inisip niya, kundi ang mga masasarap na pasta at pizza na likas sa mga diyeta ng Italiano!
Pero bukod sa mga pagkain at masasayang panahon na tumulong sa kanyang kayanin ang kalbaryo, sinabi rin niya na pinatawad na niya ang mga bumihag sa kanya. Hindi naman daw siya sinaktan at minaltrato. Napakahirap gawin ang ginawa ni Vagni, bagama’t ito ang turo palagi sa mga Kristiyano. Sabi nga ni Panginoong Jesus, kailangan mong patawarin ng pitumpung ulit ang nagkasala sa iyo! Halos anim na buwang bihag si Vagni. Anim na buwang pangamba at takot, na walang katiyakan kung makakalaya pang buhay. Pero nakuha pa rin niyang magpatawad. Kahanga-hanga ang ganitong katangian, dahil hindi lahat ay magagawa ito.
Naaalala ko ang poot ni Gracia Burnham sa tuwing nababanggit ang Abu Sayyaf at mga opisyal na tila ku-mita pa sa kanilang pagkabihag! Dagdag pa ni Vagni, hindi malayo na bumalik siya muli sa Pilipinas, at sa Sulu rin, para mapagpatuloy ang kanilang gawain para sa mga mahihirap! Nag-isip talaga ako sa mga salay- say ni Vagni, at humanga. Hindi pa tapos ang mga plano ng Diyos para sa taong ito.