SALAMAT naman at nahatulang may sala ang operator ng “shabu tiangge” sa Pasig na si Amin Imam Boratong. May mga umikot na balita sa DOJ mismo na mapapalaya si Boratong kapag binaba na ang desisyon. Hindi malayo mangyari ito dahil malaking pera ang nasamsam ni Boratong noong pinatatakbo pa niya ang tiangge. Maaaring may nabili na siyang tao para mahatulang walang sala at mapalaya.
Ayon sa DOJ, halos P900 milyon kada buwan ang nabubulsa ni Boratong sa kasagsagan ng pagpapatakbo ng tiangge. Nakapagpalit pa nga si Boratong ng mukha para hindi mahuli! Ganun kalaki ang pera niya. Di kaya dapat mahuli rin ang doktor na gumawa nun? Sa hatol na ito, sana hindi na mapalaya si Boratong. Baka naman pagkalipas ng ilang taon, palayain na rin katulad ng ilang kriminal diyan! Kung sa bagay, wala na siguro ang administrasyong ito na gustong-gusto magpalaya ng mga sikat na kriminal!
At dahil na rin sa laki ng perang nakukuha sa negosyong ito, napagpatuloy pa rin ang shabu tiangge kahit nahuli’t nakakulong na si Boratong. Dalawang beses pang bumalik ang PDEA at mga sundalo sa Mapayapa compound matapos mahuli si Boratong dahil nagpatuloy pa rin ang operasyon ng ilegal na droga!. Hindi talaga tutulong sa mga awtoridad ang mga residente roon kung ganung klaseng pera ang nahahatak ng pagbebenta ng shabu. Sa tingin ko nga, kahit may outpost na ang PNP sa compound mismo, mapapatakbo pa rin ng patago ang ilegal na negosyo, kung hindi matutukso rin ang mga pulis o awtoridad na nagbabantay na ng compound.
Isang tagumpay ang hatol kay Boratong para sa laban sa ilegal na droga sa bansa. Pero katulad ng sinasabi ng marami, parang mga masasamang damo ang mga iyan. Kahit hinila mo na mula sa ugat, may tutubo pa rin. Ang Ma payapa compound ay may ugat na sa negosyo ng shabu. Maaaring wala na si Boratong, pero ang sistema at network ng pagbebenta ay nandiyan pa. Kailangan mahuli ang pinanggagalingan nung shabu. Siguradong may mas mataas pang tao na nasa likod ng operasyong ito. Nakapagnegosyo sila ng ganyan kalaki kahit halos katabi lang nila ang munisipyo at pulis! Diyan pa lang ay napakarami nang tanong. Sinibak na nga ang hepe ng presintong sakop ang Mapayapa compund, dahil sa maliwanag na hindi niya nagagampanan ang kanyang tungkulin. Kayo na ang maghatol kung bakit hindi nagampanan ang tungkulin, kung kilala na ang lugar sa pagbebenta ng droga. Ganun kahirap ang laban sa ilegal na droga!