Kambal na pighati

(Ang tulang ito ay handog ng awtor sa yuma-ong ama at ina ni Ronnie M. Halos, Opinion Editor ng Pilipino Star NGAYON at PangMasa.)

Magkasunod na namatay

     ama’t ina ng tahanan –

Kaya ibig na sabihin

     ayaw nilang mag-iwanan;

Sadyang ganyan ang magkasi

     na matapat sa suyuan 

Silang dalwa ay mapalad

     pinagpala ng Lumalang!

Pambihirang nagaganap –

     kamatayang magkasunod –

Ayaw nilang may mawalay

     sa daigdig na maharot;

Pagka’t sila’y nagsumpaang

     magsasama silang lubos

Nang mawala ang nauna –

     pangalawa ay sumunod!

Kaya naman ang nangyari

     ay kambal na kamatayan –

Pagka’t sila’y dalwang puso

     na matapat sa sumpaan:

“Tayong dalwa’y magsasama

     sa ligaya’t kalungkutan”

Ang sumpaa’y pinagtibay

     ng Diyos sa kalangitan!

Ama’t ina ay yumao

     na ang puso’y magkarugtong –

Nauna ng isang linggo

     yaong isa at kinaon –

Ang naiwang mahal niyang

     nalulumbay sa maghapon

Kaya sila ay masayang

     magkapiling kapwa ngayon!

Ang naiwang mga anak

     lumuluha’t nalulungkot

Pagka’t sila ay nawalan

     ng magulang na mairog;

Ang mawalay sa magulang

     sa panahong di pa hinog

Ay masakit at mahapdi

     sa naiwang mga hinlog!

Pero kayo’y may kasama

     sa pighating dinaramdam –

Pagka’t kayo’y may karamay

     na maraming kaibigan;

Dasal ninyo’t dasal namin

     magsasanib sa altaran

Kami rin ay tumatangis –

     kami rin ay nagdaramdam!

Show comments