Mga pasubali't agam-agam sa darating na 2010 election
MARAMI nang pulitikong Pinoy ang naglilibot dito sa Amerika. Nangangamusta lamang daw sila at gustong tumulong kung may kailangan ang Pil-Ams. Alam ko, hindi talaga ito ang pakay ng mga pulitiko. Naririto sila para magpakilala nang sa ganoon ay makuha nila ang boto ng kanilang mga kababayan dito sa Amerika sakali mang tatakbo sila sa 2010 election.
Maraming Pil-Am ang naguguluhan sa nangyayaring pulitikahan ngayon sa Pilipinas. Marami silang katanungan: Matutuloy ba ang election sa 2010? Kung matutuloy, ito ba ay presidential system pa rin o parliamentary system? Kung matuloy ang electon, automated kaya o manu-mano? Kapag manu-mano ang election sa 2010, madali na namang mandaya ang mga sakim sa kapangyarihan.
Sana naman, matuloy ang automation para makaalpas na ang bansa sa mabagal, magulo at madayang botohan. Kung matutuloy ang automation, malalaman agad ang resulta ng halalan sa loob ng 36 na oras. Hindi katulad ng lumang sistema na tumatagal ng apat hanggang limang linggo bago malaman ang resulta.
Marami pang maaaring mangyari bago sumapit ang 2010 election at nasa kamay ni GMA ang lahat ng mga ito. Kailangan niyang mapanatili ang malakas na posisyon para mabigyan siya at kanyang pamilya ng proteksiyon matapos ang termino. Maraming akusasyon sa kanya kaya kailangan niya nang makakapitan nang sa ganoon hindi siya masingil ng mga kritiko at kalaban sa pulitika.
- Latest
- Trending