Ang mando ng isang independiyenteng Constitutional Commission on Elections ay ang masiguro ang free, honest, credible, open at peaceful elections. Sa pre-martial law years, ang Comelec ay itinuring na isa sa pinaka-epektibo, strikto at marangal na ahensya dala ng pagkaroon nito ng mga hinahangaan at maaasahang pinuno tulad ni Chairman Jaime Ferrer. Noon pa lang ay batid na nila na kung ang mando ng Comelec ay maipapatupad, kinakailangan ang tulong ng isang tapat at walang kinikilingang citizen’s arm upang magsilbing tagabantay at tagapagtanggol ng malaya at malinis na halalan. Dekada ’60 noong kinontrata mismo ng Comelec ang National Movement for Free Elections (Namfrel) na maging kapartner nitong kapatas ng eleksyon.
Sa martial law years, umpisa na sa 1978 Interim Batasang Pambansa elections, biglang naglaho ang kredibilidad ng Commission. Nabawi na lamang ito matapos ang 1986 EDSA people power sa pamamalakad nina Chairman Felipe, Yorac, Monsod, Pardo, Demetriou at Benipayo. Of course, alam nating lahat ang karanasan ng bansa sa ilalim ni Chairman Abalos at Commissioner Garcillano. Napakalalim na sugat ang natamo ng bansa sa pinabayaan nilang pandaraya noong 2004 Presidential Elections.
Hindi pa man naibabalik ang tiwala ng tao ay heto’t nagbibitiw ng pananalita ang Comelec na ang pagbalik sa manu-manong sistema ay pagbalik sa sistema ng pandaraya. Ang malinis na eleksyon ay isa sa pundasyon ng epektibong demokrasya. Kailangan ng bansang mani wala na gumagana at walang depekto ang mekanismong magpapatotoo sa kanilang desisyon. Paano lalakas ang loob ng tao sa ganitong pahayag na mistulang surrender na ang Comelec sa dayaan?
Mabuti’t nandyan pa rin ang citizen’s arms tulad ng Namfrel at PPCRV, parehong pinangungunahan ni Ambassador Henrietta de Villa. Di tulad ng Comelec, ang unang reaksyon ni Amb. De Villa ay maghahanda ang kanyang organisasyon ng “flexible plan” upang hindi maisahan. Computerized man o manu-mano, haharapin nila ang anumang kalaunan.
Ang attitude ni Amb. De Villa ang kinakailangang i-xerox ng Comelec at kung hindi’y tuluyan nang mawawalan ng bisa at kabuluhan ang anopamang paghahandang gagawin nila. Ang tiwala ng tao sa proseso ng halalan ay ang pinakamatatag na sandata ng pagtagumpay ng isang demokrasya. Kapag ito’y naglaho, ang demokrasya’y tiyak guguho.