P350,000,000.00. Ito ang automatic na penalty ng bigla-ang withdrawal ng Filipino Company Total Information Management Corp. (TIM) sa kanyang joint venture kasama ng Netherlands based Smartmatic Corp. para mag-supply sa Comelec ng poll automation machines. Ganyan kalaki ang performance bond na binayad ng TIM sa bidding process upang magsilbing seguridad na gagampanan nito ang obligasyon bilang contractor kung sakaling mapili. Dahil sa withdrawal, ang bond ay maiilit sa gobyerno.
Hindi lang ito ang halaga ng desisyon ng TIM na magbitiw. Pinag-aaralan ang pag-file ng kasong kriminal sa mga opisyal nito. Ang pinakamalaking casualty ay ang automation process mismo. Kung hindi mahanapan ng paraan ng Comelec, sila na rin ang umamin na mababalik tayo sa mano-mano.
Napakalaking sakit ng ulo nitong biglaang desisyon ng TIM. Mula nang inumpisahan itong computerization process, hindi kinaila na higanteng bahagi sa pagpili ng kontratista ang kakayanang magawa ang kinakailangan sa loob ng nalalabing kaunting panahon. Sa katunayan, maski sa Contract ay naka-input na ang mahigpit na timetable na ito kaya lumobo ng ganun kalaki ang contract amount.
Marami ang naghinala sa motibasyon ng TIM. Sabotahe daw ito upang hindi matuloy ang computerization, para “cheating as usual”. Medyo suspicious nga kung tutuusin. At dapat lang ituloy ng mga Senador at mismo ng Palasyo ang imbestigasyon dahil naipit na ng husto ang Comelec at wala na itong magagawa pa upang ihabol ang naitakda ng batas.
Kung merong hindi maganda sa mga komentaryo, ito ang binitiwang salita ni mismong Comelec Chair Jose Melo na babalik na naman tayo sa mano-mano na may malawakang pandaraya. Mula sa bibig ng top election official, tila nakapanghihina ng loob ang gani-tong pang-amin na wala silang magawa upang awatin ang cheating virus.
Sa ganitong sitwasyon, ang kailangan mapakinggan ng tao ay ang determinasyon ng Comelec na mapuproteksyunan nito ang election process kahit ano man ang mangyari. Kung kinakailangan na i-overhaul ang buong Comelec, dapat ay handa sila gawin upang kampante ang bansa na malakas ang ating mga institusyon sa kabila ng ganitong mga atake sa demokrasya.