Kumulo ang dugo ko nang mabasa ko ang balitang ito. Isang batang babae ang namatay matapos matamaan ng bumandang bala. Ang nagpapaputok ng baril ay anak ng dating bise-alkalde ng isang bayan sa Batangas. Ang matalinong anak ay nagpapaputok ng baril sa lupa ng apat na beses, at isang bala ay bumanda at dumeretso sa kawawang bata. Lasing itong nagpaputok na nasa reception ng isang kasal. Matapos ang insidente ay tumakbong-duwag na ang namaril. Brill John Torino ang pangalan umano ng nagpaputok.
Matagal ko nang sinusulat na likas talaga ang kayabangan ng maraming mga anak ng pulitiko, opisyal ng gobyerno, mayayaman, at kung sino pang tingin nila sa sarili ay angat sa lipunan. At matagal na rin akong kontra sa pagdadala ng baril sa labas ng tahanan, lalo na kung ordinaryong mamamayan lang. Sa kasong ito, napagsama ang dalawang katangian ng Pilipino na labis na masama. Kayabangan, at hilig sa baril. Siguradong sasabihin na naman ng mga sumusulong ng responsableng pagmamay-ari ng baril na hindi responsable ang anak ng vice-mayor na ito. Sigurado iyon! Pero iyon nga, paano mo malalaman kung sino talaga ang responsable kapag nakainom na, kapag umiral na ang kayabangan? Hindi naman lasing ang tao kapag nag-aapply ng lisensiya. Nobenta milyong Pilipino ang nasa bansa, at tiyak mga kalahati niyan ay mahilig o gustong magkaroon ng baril. At aminin na natin na napakadaling makakuha ng lisensiya para magdala ng baril sa labas ng tahanan. Hindi mo na kailangan iyang mga psychological testing na iyan. Baka nga hindi mo pa kailangang magpakita! Pera lang ang katapat ng maraming tindahan. At sa kasong ito, koneksyon lang. Marami pa tayong marirnig, mababasa na ganitong insidente. Kadalasan ginagamit ang baril sa mga ganyang walang saysay na pamamaraan, at hindi para sa proteksyon.
Kung mahuhuli itong si Brill John Torino, dapat maranasan niya ang kalupitan ng batas hinggil sa insidenteng ito. Aksidente nga, pero ang pasimuno ay ang kanyang ugali at karakter. At kung wala siyang dalang baril, buhay pa sana ang bata. Ganun ka simple. Sigurado ay umaandar na ang mga koneksyon ng pamilyang ito para mapawalang-sala ang kanilang anak. Kung may hustisya talaga sa Pilipinas, hindi dapat mangyari ito. Walang dahilan para magpaputok ng baril sa lupa kundi magyabang, puwera na lang kung nakita niyang kinukuha na siya ng demonyo at ayaw pang sumama!