Mga kasong droga ikinasabit ni Raul
DROGA. ‘Yan, ayon sa sources, ang isyu kaya tinanggal si Raul Gonzalez bilang Secretary of Justice. Nagalit si President Arroyo dahil sa iginawi ni Gonzalez sa tatlong kasong droga. Una, kinatigan niya ang paglaglag ng kaso laban sa Alabang Boys, gayong lantad nang malamang nagkasuhulan para dito. Ikalawa, inupuan niya ang kaso ng Balasan Boys sa kabila ng ebidensiyang malapit sila sa Iloilo provincial prosecutor na bata-bata ni Gonzalez. Ikatlo, inalis ni Gonzalez sa charge sheet ang financier ng shabu sa Naguilian, La Union, na pinatatakbo ng hepe ng pulis-Dagupan. Hindi umano natantiya ni Gonzalez na seryoso si Arroyo sa proyektong sugpuin ang salot na droga.
Muntik pang naging apat ang kasong drogang ikina-galit ni Arroyo. Kasi, Hunyo 4 pa dapat naging epektibo ang paglipat ni Gonzalez bilang presidential chief legal counsel at pag-angat ni Solicitor General Agnes Devadadera bilang justice secretary — kaya lang humingi si Gonzalez kay Devanadera ng isang linggong palugit para magligpit umano ng gamit. Nu’ng Miyerkoles, Hunyo 10, nag-text ang mga taga-DOJ na babala sa staff ni Devanadera sa OSG: “Di lang pala sa Pasig may (shabu) tiangge; dito sa DOJ ngayon may tiangge ng desisyon.” Kinabukasan agad inalam ng OSA staff kung ano ang nangyayari. Laking gulat nilang nalaman na dose-dosena palang desisyon ang pinirmahan ni Gonzalez sa loob ng isang linggong hininging palugit. Pinahinto ng staff ang pagpapadala ng mga desisyon via registered mail. Nang repasuhin nila, anong laking anomalya ang natuklasan: May mga kaso na dala-dalawa ang desisyon — magkasalungat at pabor sa magkatunggaling panig. Parang pinagkitaan, kumbaga. Ang masaklap, ilan sa mga desisyon ay naipalabas na bago pa man maawat ng OSG staff. Ilan sa naawat na resolusyon ay ang pagsoli ng PCGG kay Imelda Marcos ng mga nakaw na alahas.
Dahil nabanggit sa S-O-S text ang Pasig shabu tiangge, pinulong ni Devanadera ang tatlong matatapang na babaeng prosecutors ng case.
Ipinaabot sa kanya ang tuwa ng prosecutors sa pagrereporma niya sa DOJ.
- Latest
- Trending