AYAW kong magtunog pastor na nangangaral pero may nagtanong kasi sa akin: Bakit madalas kong bukambibig ang “takot sa Diyos.” Na ang pipiliing leader ng bansa ay dapat may tunay na takot sa Diyos. Aniya, hindi ba dapat mahalin ang Diyos imbes na katakutan?
Noong araw ay ganyang-ganyan din ang pananaw ko. Pero nang magbasa ako ng Salita ng Diyos, naunawaan kong ganap kung bakit dapat tayong matakot sa Diyos.
Sa Biblia, may tinatawag na “Holy Fear” o banal na takot. Ito ang pinakamataas na pitagan at pagmamahal sa Dakilang Manlilikha. Takot na may halong banal na pag-ibig. Dahil sa pitagang ito sa Diyos, takot tayong magkasala.
Acts 9:31_Then had the churches rest throughout all Judaea and Galilee and Samaria, and were edified; and walking in the fear of the Lord, and in the comfort of the Holy Ghost, were multiplied.
At bakit daw dapat i-asa sa Diyos pati ang mga simpleng bagay na kaya nating gawin tulad ng pagpili ng political leaders. Muli, iyan ang sinasabi ng Biblia. Madalas, gumagawa tayo ng desisyon na pumapalpak dahil itsapuwera ang Diyos.
Proverbs 3:5-6; Acknowledge God in all you do and He will guide you in all things.
Proverbs 3:5 Trust in the LORD with all thine heart; and lean not unto thine own understanding.
Ibig sabihin, kapag tumulong ka sa kapwa mo na nangangailangan, hindi ikaw ang tumulong kundi ang Diyos. Kapag nagdesisyon ka nang tama, hindi ikaw ang nagdesisyon kundi ang Diyos. Instrumento lang tayo ng kabutihan ng Diyos. Hindi tayo puwedeng sumandal sa sarili nating lakas at karunu ngan. Ang mga gumagawa ng ganyan ay nagiging hambog at inaakalang nagtagumpay sila dahil sa sarili nilang lakas at dunong at walang kinalaman ang Diyos.
May mga hindi naniniwa-la sa Biblia at nirerespeto ko ang paniniwala nila bagamat di ko sinasang-ayunan. Tanging Diyos lang ang puwedeng bumago sa sino man na may lisyang pananaw. Hindi tayo nilalang ng Diyos para piliting maniwala at sumunod sa Kanyang katuruan. Kung tayo’y mananalig sa Diyos, ito’y ibig Niyang maging kusang-loob at hindi sapagkat naka-program tayo para gawin yaon. Mayroon tayong malayang kaisipan na ibini-gay ng Diyos sa atin.