Gestapo style ng MMDA men
Sayang ang ambisyon ni MMDA Chairman Bayani Fernando na tumakbo sa pagka-pangulo kung hindi masusuheto ang kanyang mga bata na hanggang ngayon ay mistulang alagad ni Hitler sa pagtrato sa mga vendors. Kung tatanungin mo ang mga ordinaryong tao, lalu na yung mga mahihirap, malamang na aayawan nila si Fernando dahil sa image niyang kontra sa mahirap.
Kung ang imahe ni Erap ay para sa mahirap, mukhang taliwas naman ang kay Fernando na kahit nung una pa man ay binubuhusan ng gaas ang paninda ng mga illegal vendors. Maaaring illegal ang pagtitinda sa bangketa at may rason ang MMDA para itaboy ang mga vendors pero may diplomatikong paraan naman siguro para mapagbawalan ang mga nagtitinda nang illegal sa mga bangketa.
Iyan ang katotohanan sa politika. Hindi ka ubrang umastang diktador kahit nasa tama ka pa.
Mayroon akong tinanggap na reklamo mula sa mga nagtitinda ng diyaryo sa QC na gusto kong bigyang-daan.
Si Roberto Coronel, nagtitinda ng diyaryo, yosi at palamig na may puwesto sa Congressional ang nabiktima ng mga nanghuhuling sidewalk vendor na MMDA.
Noong umaga ng Mayo 27, habang nagtitinda si Mang Roberto sa kanyang puwesto ay nagdatingan ang mga MMDA at kinuhang pilit ang buong mesa ng kanyang mga paninda, kasama ang mga diyaryo at ang masaklap pa ay ang kanyang kinita sa paninda.
Pinagpipilitan ni Mang Ruberto na kunin ang mga diyaryo at ang kanyang kinitang pera subali’t wala siyang nagawa.
Nakamasid lang at ’di man lang pinagbawalan ng nakilalang lider na si Richard Aquino ang mga nahuhuling MMDA upang mai-balik ang kinitang pera at mga diyaryo ng kawawang newsboy vendor.
Marami ng mga nagrereklamong mga newsboy sa ginagawang maling panghuhuli ng mga MMDA na pati mga diyaryo ay hindi ibinabalik partikular na nagaganap sa may Congressional-Muñoz, Quezon City.
Nasa tama pa bang lugar ng panghuhuli ang mga MMDA na ito?
Wala akong masamang tinapay kay Chairman pero tingin ko, kung nag-aambisyon siyang maging Pangulo ay magbago siya ng estilo. Baka kahit Senador o Kongresista sa Mababang Kapulungan ay mabokya siya sa liping mahirap kung ang ipinakikita niyang imahe ay “berdugo.”
- Latest
- Trending