Sa buong daigdig at sa kasaysayan ng mga sibilisasyon, napatunayan na tama ang pilosopiyang “investing in people” upang maisulong ang maayos na pamumuhay ng mamamayan. Ang mga mauunlad na bansa ay natamo ang kanilang kasalukuyang status dahil naglaan sila ng sapat na atensiyon, pondo at mga programa sa pagpapataas ng skills ng mamamayan lalo ang mga manggagawa.
Bilang bahagi ng pilosopiyang ito, dapat mag-invest nang sapat ang pamahalaan sa mga overseas Filipino workers (OFWs) partikular sa kanilang mga batayang pangangailangan.
Ito ang panawagan ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment.
Ilan aniya sa mga batayang pangangailangang ito ng mga OFW ay ang health care, skills training at pabahay, gayundin sa edukasyon ng kanilang mga anak.
Bukod sa mga layunin ng pamumuhunan sa mamamayan, partikular sa mga migranteng manggagawa, ang ganitong hakbang ay bilang ekspresyon din ng pagkilala at pasasalamat ng pamahalaan sa napakalaking kontribusyon ng mga OFW sa ating ekonomiya. Maraming beses na rin ngang napatunayan na ang OFW remittance ang mismong sumasagip sa ekonomiya mula sa tuluyang pagbagsak laluna sa mga panahong may krisis sa pananalapi tulad ngayon.
Ayon kay Jinggoy, hindi dapat sa “technical investments” lang tulad ng mga imprastraktura magtuon ang pamahalaan, bagkus ay mas malaki pa nga dapat ang pondong inilalaan nito sa “social investments” o kapakanan ng mga mamamayan.
Ang ganitong istratehiya ang dapat gawin ng gobyerno. Agad makikita ang napakagandang resulta nito para sa bawat OFW, kanilang pamilya at sa bansa.
Sa mga gustong lumiham kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Es trada, ipadala ito sa kanyang tanggapan sa Room 602, Senate of the Philippines, GSIS Bldg., CCP Complex, Pasay City. Ipagpaumanhin na hindi tinutugunan ng tanggapan ang mga solicitation letter.