'Mag-ingat sa job openings kuno!'
MAY ilang daang libo rin kung susumahin ang mga nagtapos sa kolehiyo sa buong bansa sa taong ito. Kaya naman nagsisipaghanda ang iba’t ibang industriya ng ekonomiya sa pagdagsaan ng mga naghahanap ng trabaho.
At dahil panahon ng krisis, karamihan sa mga nagsipagtapos, kahit hindi nila linya o forte o hindi sa kurso ng kanilang natapos, papatulan nang pasukan ang trabaho.
Ang pananaw na ito ng mga aplikante ang siyang nagiging oportunidad sa mga mapanlinlang na kumpan-ya na ang modus ay magpakalat ng hiring advertisement sa mga classified ads ng maliliit at malalaking diyaryo.
Magandang mga posisyon ang inaalok, office staff kuno katulad ng Human Resources o H.R at Administration Officer kunwari ang kanilang mga hinahanap.
Oras na kumagat ka sa kanilang patibong sa mga ads na ito, huli na para malaman mong ikaw na ang pagkakakitaan ng mga kumpanyang ito.
Dumadaan rin ang mga manlolokong kumpanya na ito sa tamang proseso ng pagtanggap ng aplikante. May examination, may preliminary at final interview, may orientation at training.
Subalit pautot lamang ito ng mga kolokoy, ang kanilang target, pagtindahin ka ng kung anu-anong produktong wala namang tatak at hindi dumaan sa pagsusuri ng Department of Trade and Industry.
Ang siste, magbibigay ng palugit ang mga hinayupak na sa loob ng ilang oras, maibenta ang nasabing produkto,saka lamang matatanggap ang mga aplikante sa nasabing kumpanya.
Sa kagustuhang magkatrabaho, ang mga aplikante na mismo ang bibili ng mga produktong nagkakahalaga ng apat na libo pababa.
Hanggang matapos ang dalawampung araw na training, wala na ang trabaho at allowances na ipinangako ng mga manlolokong kumpanya.
Pinag-iingat ng BITAG ang mga kababayan nating kasalukuyang naghahanap ng trabaho. Umiwas sa mga kumpanyang nagpapanggap na naghahanap ng mga office staffs.
Babala na rin ng BITAG sa ilang kumpanyang tinutukoy sa kolum na ito, dalawa na ang nahulog sa aming BITAg nitong buwan ng Mayo. Kapag naisumbong kayo sa aming tanggapan, baka masama kayo sa nasabing listahan.
Tuldukan niyo na at tigi- lan ang pambibiktima ng mga kaawa-awa nating kababayan.
- Latest
- Trending