TUNGKOL ito sa isang parselang lupa na nakarehistro sa pangalan ng lola ni Connie na si Elena at sa limang kapatid nito sa ilalim ng titulo (OCT) RO-2740. Sa pamamagitan ng isang dokumento ng paghahati-hati at kasunduan sa pagsuko ng karapatan, hinati sa dalawang parsela ang lupa. Ang lote bilang 3608-A sa ilalim ng titulo bilang 113266 ay napunta kay Medy samantalang ang lote bilang 3608-B sa ilalim ng titulo bilang 113267 ay nabenta na naman ni Connie.
Lumalabas na peke ang mga pirma sa kasunduan. Si Connie at ang kapatid niyang si Loleng ang may pakana ng lahat. Pati nga ang isang may-ari na patay na ay pinalabas din nila na buhay pa at nakapirma sa dokumento.
Kinasuhan sina Connie, Loleng at Medy sa pagpalsipika sa mga pampublikong dokumento. Ngunit sina Connie at Loleng lang ang nalitis. Hindi naaresto si Medy.
Noong Nobyembre 20, 2000, pinawalang-sala si Loleng ngunit sinentensiyahan si Connie na makulong ng 4 na taon, 2 buwan at 1 araw hanggang anim na taon. Humingi ng rekonsiderasyon si Connie ngunit dahil nabakante ang korte at nawalan ng huwes, noong Nobyembre 20, 2002 lamang naresolba ang mosyon.
Ang utos ay natanggap ng abogado ni Connie noong Disyembre 13, 2002. Hindi agad nakapag-apela, naging pinal ang desisyon noong Hunyo 5, 2003. Noong Hunyo 12, 2003, hiningi ni Connie at ng kanyang abogado na ipatigil ang pag-aresto sa kanya at ang pagsasantabi ng desisyon ng korte. Sabi nila, hindi raw nila natanggap ang utos ng korte. Nagsampa rin sila ng apela noong Hunyo 17, 2003.
Noong Hulyo 22, 2003, binasura ng korte ang mosyon at apelang isinumite ni Connie. Noong Agosto 25, 2003, humingi ng rekonsiderasyon si Connie at ipinahiwatig na interesado siyang humingi ng kapatawaran o probation imbes na muling mag-apela. Noong Nobyembre 20, 2003, muling binalewala ng korte ang mosyon. Sinang-ayunan ng Court of Appeals ang korte. Lampas na raw sa takdang panahon ang pagsusumite ng apela kaya’t hindi na maaaring tanggapin ang naturang apela ni Connie pati na ang paghingi niya ng probation. Isa lang daw ang maaaring gamitin ni Connie at hindi niya maaaring gami tin ng sabay ang apela at probation. Tama ba ang korte?
TAMA. Ang layunin ng probation ay upang himukin nga ang akusado na huwag ng umapela sa desisyon ng korte at aminin na lang ang kasalanan para makaiwas pa sa gastos, oras at pagod sa pag-aapela. Ayon sa probation law, makakahingi ng probation sa loob ng panahong ibinigay upang makapag-apela sa kaso. Ibig sabihin, may 15 araw lamang mula sa pagtanggap ng desisyon para ipahiwatig ni Connie sa korte na hindi siya aapela sa kaso at hihingi lamang ng probation.
Sa kasong ito, humingi ng probation si Connie, 8 buwan mula nang maging pinal ang desisyon.
Isa pa, dapat na hindi umapela sa desisyon ang akusado bago mag-apply ng probation para nga maiwasan ang espekulasyon at hindi na nag-aksaya ng oras at pera ng gobyerno sa pag-aapela. Sa kasong ito umapela na si Connie kaya’t hindi na siya makakahingi ng probation (Sable vs. People, G.R. 177961, April 7, 2009).