Gamot lalong nagmamahal!

NANG lagdaan ni Presidente Arroyo para maging ganap na batas ang Cheaper Medicine Act, maraming natuwa at kabilang na ako diyan. Pero imbes na ang gamot ang naging mura, taumbayan ang nagmumura dahil halos di na makayanan ng marami ang halaga ng gamot.

Isang taon na ang nakalilipas nang mapagtibay ang batas pero imbes na bumaba ay lalu pang tumataas ang halaga ng gamot. Paano kung ang isang mahirap ay marami nang maintenance medicine para sa alta-presyon, diyabetes at kung anu-ano pa? Maghihintay na lang ba silang kalawitin ni kamatayan? Ako lang ay umaabot na sa mahigit 4 na libong piso ang gastos isambuwan para sa aking mga gamot. Napakalaking halaga niyan para sa ordinaryong tao.

Si Sen. Mar Roxas ang main author ng batas na iyan kaya siya mismo ay nanggigigil sa kawalang imple­mentasyon ng batas. Sa batas na iyan, pahihintulutan ng pamahalaan ang parallel importation ng mga mura pero epektibong gamot na abot-kaya ng mga mahihirap.

Kaya hindi maiiwasang magduda ang taumbayan. Nakikipagsabwatan ba ang mga taga-gobyerno sa mga pharmaceutical giants na tumututol sa batas na ito dahil maaapektuhan ang kanilang negosyo? If so, sa “magka­nong dahilan”?

Mayroon nga tayong mga botika ng bayan at generic pharmacy pero hindi sapat para tugunan ang panga­nga­ilangan ng mas maraming mahihirap.

Kung hindi maipatutupad ang batas, bakit pa kinaila­ngang maging batas ito? Mayroon ba talagang mala-sakit ang pamahalaan para sa mahihirap na mama­mayan o wala?

Show comments