Meron bang nagbabantay sa supply biddings sa Philippine National Police? Tanong ito ng mga taga-industriya ng armas tungkol sa pagbili ng PNP ng sniper rifles nu’ng Marso. Inanunsiyo noon ng PNP na bibili ito ng 41 units ng bolt-action sniper rifles sa budget na P10,250,000, kasama accessories. Lumalabas na P250,000 kada set. Overpriced ito. Isang simpleng Google-search sa Internet ang magpapakitang hamak na mas mura ang totoong presyo: $80-$600, o P4,000-P30,000. Meron din mas mahal, P120,000, pero kalahati ng laang pondo ng PNP. Kahina-hinala ito. Bakit doble hanggang 62 ulit ang taas ng budget? Ito ba ay para maisingit ang “tong-pats”?
At bakit kailangan ng PNP bumili ng 41 sniper rifles? Hindi ba’t napaulat kelan lang na kulang ng 21,000 handguns ang pulisya? Aba’y sa budget na P10,250,000, makakabili na sila ng 410 9-mm pistols sa halagang P25,000 kada isa. Sana doon na lang inilaan ang katiting na pondo ng PNP. E di nabawasan sana miski konti ang shortage sa side arms at napatatag ang loob ng patrolmen.
Maski siguro may nagbabantay sa kilos ng PNP ay hindi ito titino. Kasi kinukunsinti ang katiwalian ng nakatataas — ang Dept. of Interior at Malacañang. Hindi ba’t sa kaso ng “euro generals” ay naghugas-kamay ang dalawa sa labis na baon ng mga heneral at asawang naglamiyerda sa Russia? At di ba’t nagtahimik lang din sila nu’ng mabisto ang pang-aabuso ng pamilya ng mga heneral sa pribilehiyo ng libreng gasolina?
Nu’ng Nob. 2008 ay nagpalusot din ng maanomalyang bidding ang PNP. Nag-budget ito ng P10 milyon para sa 40 piraso ng night vision goggles.
Lumalabas na P250,000 din kada isa, parang sniper rifle. Pero ang talagang presyo nito ay nasa P25,000-P75,000 lang.
Sa ibang ahensiya ng gobyerno, may mga NGO (nongovernment organizations) na nakatutok sa mga bidding at purchasing. Inalam ko kung anong NGO ang nakatokang magbantay sa PNP. Wala. Kaya pala gan’un katindi ang kurakot du’n.