KAHIT ilang buhay na ang nasawi sa ilang landslide na nangyari sa gold-rush sites sa Compostela Valley, hindi pa rin umaalis ang libu-libong small-scale miners at patuloy silang nagmimina ng pinakamimithing ginto na siyang nanatiling kapirasong pag-asa nila sa buhay.
Nitong nakaraang linggo nga lang, dalawampu’t pito na naman ang namatay habang dalawampu ang nasugatan sa malagim na landslide na tumama sa Sitio Boringot, Barangay Napnapan, sa bayan ng Pantukan.
Tatlumpung tao naman ang namatay at maraming iba pang nasugatan nang nagka-landslide naman sa Barangay Masara sa katabing bayan ng Maco noong Setyembre ng nakaraang taon.
At noong Enero, may dalawang minero naman ang nasawi sa isa na namang landslide sa Barangay Ngan sa bayan naman ng Monkayo.
Hindi na rin mabilang ang mga namatay sa landslide sa tinaguriang Mt. Diwalwal kahit na noong nagsimula pa ang mining operations sa area noong early 1980s.
Kaya, hindi na bago ang kuwentong ‘kapit sa ginto’ tuwing hinihikayat ang mga small-scale miners na abandonahin na ang mga minahan sa mga bundok ng Compostela Valley.
Ilang ulit nang nagbabala ang Mines and Geo-sciences Bureau (MGB) at nagbigay nga ito ng listahan ng mga geo-hazard areas sa Compostela Valley na kung puwedeng lisanin na nga ng mga minero at ng mga pamilya nito.
Ngunit nagmamatigas ang may higit 100,000 na small-scale miners na naghahanap buhay sa Compostela Valley. Hindi nila alintana ang pangamba basta’t may makukunan lang sila ng pagkikitaan para sa kanilang araw-araw na pangangailangan.
At ngayon ay naharap na naman sa panibagong trahedya ang Compostela Valley noong gumuho nga ang bundok sa Sitio Boringot sa Pantukan noong nakaraang Lunes ng hapon.
Sana totohanan na ng mga lokal na opisyales ng Compostela Valley, lalo na sa mga mining towns of Monkayo, Pantukan at Maco, ang puwersahang pagpahinto ng pagmimina lalo na sa mga sinasabing high-risk landslide-prone areas.
Nakasalalay na ngayon sa mga barangay captains ng mga nasabing gold-rush sites ang responsibilidad na ipa-intindi sa kani-kanilang mga constituents ang kahalagahan ng paglikas nila sa nasabing mga lugar.
At sana naman ay makapag-isip ang mga lokal na opisyales ng alternative livelihood para sa mga naapektuhang minero. Para sa ganun may mapagkakitaan sila.
Huwag naman na maging pangkaraniwang pangyayari na lang ang landslide sa Compostela Valley. Huwag naman yong maging paulit-ulit na lang ang paghukukay ng mga katawan na nalilibing sa pag-guho ng lupa.
Ang masaklap nga nito ay ang gintong kinakapitan ng mga minero ay siya ring papatay at magbabaon ng kanilang mga munting pangarap.