HABANG nakasabit sa sapot ng gagamba sa kisame ng Manila Police District Headquarters si Chief Supt. Rodolfo Magtibay, patuloy na lumulubo ang problema na kanyang hinaharap. Dahil ayon sa aking mga espiya, sinasamantala umano ng mga bugok na kapulisan ng Manila’s Finest ang pagiging Officer-in-Charge ni Magtibay. Mukhang walang tibay na maa-asahan ang mga Manilenos kung patuloy na OIC si Magtibay sa kanyang puwesto. Di ba mga suki?
Pangunahing problema umano ni Magtibay ang pagbalasa ng kanyang mga opisyales sa MPD dahil OIC pa lamang siya. Magiging technical sa kautusan ng Philippine National Police at National Police Commission umano ang magiging aksyon ni Magtibay na magtalaga ng mga karapat-dapat na opisyal na kanyang napupusuan dahil maging siya ay hindi pa rin permanente sa kanyang puwesto. Get n’yo mga suki?
Kailangan munang maging acting district director siya bago niya balasahin at magtalaga ng mga opisyales na kanyang napupusuan. At habang naka-bitin sa kisame ang kanyang order patuloy sa pamamayagpag ang ilang pulis ng MPD. Ika nga’y balik sa dating kagawian ang lakad ng dating kapulisan. Halos araw-araw nang nakaririnig ng reklamo mula sa mga kababayan nating hinulidap, kinukotongan at hinarass na dati ng kinagawian ng ilang bugok na pulis. Kaya tuloy, karamihan sa mga matitinong pulis ng MPD ay nagrereklamo na rin dahil maging sila’y nadadamay sa masamang akusasyon ng mga mamamayan.
Sayang ang magandang record ni Magtibay kung dito lamang sa MPD masisira, kaya’t nananawagan ang lahat ng matitinong kasapi ng Manila’s Finest Brotherhood Association kay PNP chief Jesus Verzosa na gumawa ng madaliang aksyon na maging permanente na si Magtibay upang magamit na ang kinakalawang niyang kamay na bakal. Wala namang umanong problema si Magtibay kay Manila mayor Alfredo Lim dahil sinusunod naman nito ang lahat ng kautusan para maprotektahan ang mamamayan ng lungsod, subalit talaga lamang na kulang sa pangil si Magtibay kaya sinasamantala ng ilang bugok na pulis.
Katulad na lamang noong nakaraang Lunes ng gabi nang nagkaroon ng kumusyon sa outpost ng MPD headquarter kung saan nakita kong dinisarmahan ng ilang pulis ng Theft and Robbery Section ang isa nilang kabaro. Pilit pang itinatanggi ni PO2 Roderick Sena na may kinalaman siya sa panghoholdap ng isa rin nilang kabaro noong gabi ng Miyerkules Mayo 13 sa sa ibabaw ng McArthur bridge.
Mula umano nang mangyari ang panghoholdap kay retired Major Jorge David at asawang Rosalinda ay nagtago na ito, subalit hindi nawalan ng pag-asa ang mag-asawang David dahil kilala nga nila si Sena na isa sa humulidap kaya araw at gabi na itong nagmamaman sa harap ng MPD at kalapit na establisimento sa United Nations Avenue, Ermita. At noon nga ng gabing iyon ay nakita ng biktima si Sena na kumakain sa harapan ng MPD, agad itong nagtungo sa opisina ni Chief Inspector Benigno Macalindong upang inguso si Sena.
Simbilis ng kidlat na tumalima ang mga tauhan ni Macalindong kaya swak na swak si Sena sa kanilang bitag ng tiyempong papasok na ito sa outpost na kanyang pinagdudyutihan.Pumapalag pa si Sena subalit nakiusap na ang kanyang kabaro na doon na lamang siya magpaliwanag sa loob ng opisina upang hindi na ito makatawag pansin sa media people, hehehe! Sa ngayon ay himas rehas na si Sena habang hinahanap pa ang kanyang kasamang dismissed employee ng Manila Traffic and Parking Bureau. Ilan pa lamang iyan sa saltong nasilip ng Banat. Abangan!