EDITORYAL - Ingat sa school items na may toxic chemical
Dumadagsa na sa Divisoria at bookstores ang mga magulang para bumili ng mga gamit school para sa kanilang mga anak. Sa June 1 ay simula na ng pasukan at sa hirap ng buhay ngayon, ang mga magulang ay naghahanap ng mga murang mabibiling gamit sa eskuwelahan. Karaniwang mura sa Divisoria ang mga plastic na pangkober sa libro, notebook, etc. at ganoon din ang mga backpack, ballpen, lapis, plastic ruler, eraser, krayola at marami pang iba. Sabi, doble ang kamurahan sa Divisoria kaysa bumili sa mga sikat na bookstores.
Subalit mapanganib pala ang pagbili ng mga gamit sa school sapagkat ang iba sa mga ito ay may toxic chemicals. Ang mga PVC plastics na ang karaniwang labeled ay “vinyl” o plastic number 3 ay may sangkap na lason o additives gaya ng phthalatres at maaaring malanghap ng mga bata. Lubhang delikado raw ito sa kalusugan ng mga bata. Karaniwang ang PVC plastics ay ginagamit sa mga bag (backpacks), binders, clear plastics sheets para pangkober sa notebook at libro at ganoon din ang mga plastic lunch boxes.
Ayon sa Ecological Waste Coalition (EcoWaste) ang mga chemical na matatagpuan sa school items ay lubhang mapanganib sa mental at behavioral development ng mga bata. Payo ng Ecowaste na sa halip na plastic ang gamitin, maaaring gumamit ng cloth, nylon at polyster backpacks; cardboard, fabric o kaya’y poly plastics binders; cloth lunch bags at unlined stainless steel o opaque plastic bottles.
Makabuluhan ang babala ng EcoWaste para makaligtas sa pagkakasakit ang mga bata. Napapanahon sapagkat kung anu-anong sakit ang dumadapo ngayon kagaya ng A(H1N1) flu virus na maraming bansa na ang napabalitang may nabibiktima. Unang tinamaan ang Mexico at meron din sa United States. Meron din sa Hong Kong at iba pang bansa sa Asia. Sa kabila na may banta ng flu virus, tuloy ang pagbubukas ng klase sa June 1. Sa kasalukuyan wala pa namang napapaulat na tinamaan ng deadly virus sa bansa. Pinatutupad ang puspusang pagmonitor sa mga dumarating na pasahero sa NAIA.
Magandang balita na walang apektado sa bansa ng nasabing virus subalit huwag namang pakasiguro sa mga toxic school items na ang mga batang mag-aaral ang tiyak na malalagay sa panganib.
- Latest
- Trending