Dalawang bersiyon para maamyendahan ang Konstitusyon ang pinagbubuhusan ng pansin ngayon ng mga mambabatas — ang House Resolution No. 1109 at ang House Resolution No. 737. Ang HR 1109 ay sinusuportahan ng karamihan ng mga mambabatas at posibleng ito rin ang suportahan sa dakong huli ni House Speaker Prospero Nograles. Kahit na inabandona na ni Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte na nagpanukala mismo sa HR 1109, hindi pa raw ito patay sabi ng iba pang mambabatas. Sabi ng mga kritiko, ang HR 1109 ang magpapalawig sa termino ni President Arroyo.
Ang HR 737 na inakda naman ni House Speaker Nograles ay itutuloy pa rin ang deliberasyon ngayong linggong ito. Ang bersiyon ng Cha-cha ni Nograles ay para naman daw maalis ang restrictions sa foreign investments sa bansa. Wala raw itong kaugnayan sa pagpapalawig ng termino ng presidente at iba pang elected officials. Sabi ng mga nagsusulong ng HR 737, hindi pa ito patay. Nasa agenda pa ito ng mga mambabatas at itutuloy daw nila ang pagsusulong nito para maamyendahan ang Konstitusyon.
Sa pag-amyenda sa Konstitusyon nakatutok ang interes ng mga mambabatas at wala na silang pinagsisikapan pa mabigyang-pansin ang kalagayan ng nakararaming mamamayan nagdaranas ng kahirapan. Marami ang umaangal sa mahal na bilihin, mahal na gamot at kawalan ng trabaho. Maraming dapat unahin para sa kagalingan ng bansa at mamamayan pero ang mga mambabatas ay iba ang pinagkakaabalahan. Hindi na nila binibigyan ng halaga ang mga taong naglagay sa kanila sa puwesto kundi kung paano sila magtatagal pa sa puwesto.
Nakikita ang pagkagahaman sa puwesto ng mga inihalal na mambabatas sapagkat kahit na isang taon na lamang ang nalalabi at eleksiyon na, patuloy pa rin nilang isinusulong ang Cha-cha. Maski si Villafuerte na may awtor ng HR 1109 ay nagsabi na wala nang panahon para sa Cha-cha dahil malapit na nga ang election. Hindi kaya nakikita ito ng iba pang mambabatas? Sa halip na ang pagsikapan nila ay kung paano makapagbibigay ng ginhawa o kaunlaran sa mamamayan, ang ginagawa nila ay kabaliktaran. Mas lalo pang ginugulo ang sistema. Sana ay hayaang dumaloy ang tamang sistema at hindi ang kontra rito. Huwag ubusin ang panahon sa Cha-cha na hanggang ngayon ay isinusuka at hindi matanggap nang nakararami.