Gintong noodles

NASABI ko na ito noon sa programa namin ni Ted Failon (Tambalang Failon at Sanchez) sa DZMM, na ang tingin talaga ng administrasyong ito sa taumbayan ay tanga. Na kahit anong gawin nila ay lulusot at hindi mapapansin ng mamamayan. Isa na rito ang programa ng DepEd na pakain sa mga mag-aaral ng pampublikong paaralan. Mga prep at Grade 1 na pinakakain ng instant noodles na galing sa DepEd, na binili sa isang supplier, sa halagang P18 bawat isa. Noong 2008, 15-milyong pakete ng instant noodles ang binili ng DepEd sa supplier sa halagang P284 milyon. Ayon kay Sen. Mar Roxas, and isang paketeng instant ay mabibili lang ng P12 bawat pakete. Kaya, may kumita na naman dito. Ang tanong, sino?

Ayon sa Jeverps Manufacturing Corporation, ang supplier ng nasabing noodles, espesyal daw ang produkto nila dahil may sariwang itlog. Kaya mas mahal ito sa karaniwang noodles na mabibili sa merkado. Ito ay para doon sa noodles na binenta nila sa DepEd noong 2008. Ngayong 2009, ang kontrata sana ay magkakahalaga ng P427 milyon, dahil P22 na ang mga espesyal na noodles, dahil may malunggay na raw ito.

Malunggay at itlog. Ito ang depensa ng gumawa ng mga noodles. Dalawang sangkap lang na nagpataas na nang husto ng presyo! Eh di sana binigyan na lang ng itlog at sabaw ng malunggay ang mga bata at siguradong mas mura pa lalabas ito, at makikita mo talaga iyong itlog at malunggay. Kaysa sa instant noodles na maniniwala ka na lang sa sinasabi sa pakete!

Pinatigil na ni Sec. Jesli Lapuz and programang pakain para sa mga mag-aaral, dahil sa mga paratang na pina­tungan ang presyo ng mga instant noodles. Kaya, imbes­tigasyon na naman. Ang nakaiinis, kung walang magsa­salita ukol dito, nakalusot na sana na naman ang mga salarin! Kasi nga ang tingin ng gobyernong ito sa mama­mayan ay tanga lahat, na hindi mapapansin ang mga anomalyang ganyan.

Ngayong patapos na ang termino ng administras- yong Arroyo, lumalabas naman ang mga basurang itinatago ng ilang taon! Halos lahat na lang ng ahensiya ng administrasyong Arroyo ay nasangkot sa anomalya. Hindi ako magtataka kung bakit may mga nagbibilang na ng araw hanggang sa mawala na ang administrasyong ito, pati na mga alipores at galamay niya.

Show comments