Kahit ano pang gawin ng mga Kongresista, malinaw na hindi kakagat ang Senado sa Charter change sa pamamagitan ng pagbalatkayo ng Kongreso bilang Constituent Assembly (Con-Ass). Watak-watak man ang Senado sa ngayon dala ng Villar investigation, pihadong magkakapit bisig ang lahat laban sa anumang hakbang na kakapon sa kanilang kapangyarihan bilang institusyon.
Umabot man ito sa Supreme Court, hindi na rin magkakasya ang kakaunting natitirang oras upang ipatupad ang Con-Ass. Kay rami pang isyung nakahain sa plato ng ating mga mambabatas. Sa Comelec automation na lang at sa swine flu scare, matatali na ang kamay at atensyon ni Tito Sen. at Tita Cong. At dahil papalapit na ang eleksyon, hindi na maaasahan na sila’y magbabad sa isang laban na uubos na naman ng panahon ng dalawang Kamara.
Pero mapilit talaga ang mga Kongresista na magkaroon ng pagbabago. Kaya’t mukhang may pag-asa na talagang sumali sa usapan ang pangalawang pamamaraan ng pag-amyenda ng saligang batas, ang pagtawag ng constitutional convention.
Kung ang Con-Ass ay maraming tutol, walang ganung bagahe ang Con-Con. Kung tutuusin nga ay maraming Senador na bukas ang isip sa ganitong pamamaraan lalo na’t mangyayari ito pagkatapos pa ng 2010 elections. Kung diskumpiyado ang tao sa mga Kongresista gaya ng pinatunayan ng mga surveys, sa Con-Con ay sila mismo ang pipili ng mag-aamyenda ng Konstitusyon.
Ang isa pang bentahe ng Con-Con ay ang mga delegado nito’y hindi masasabing automatic na hawak ng pamahalaan. Kung ang paniwala nga’y llamado ang oposisyon sa eleksyon ng lokal at pambansang puwesto, malamang lamang na oposisyonista din ang ka ramihang mananalo sa eleksyon ng delegado. At kung nanaisin ng Kongreso na talagang salain ng mabuti ang komposisyon nito, maaring dagdagan ang qualifications ng mga kandidato.
Sa pakiwari ko ay sa Con-Con din ang bagsak natin. Kapag dito tayo humantong, hindi ko huhusgahan ang intensyon ng Kongreso.
Sino tayo para kuwestiyunin ang pasiya ng mga taong tayo rin naman ang nagluklok. Sa halip ay makikiisa pa tayo sa mga tutulong na intindihin ng bayan kung paano mapapaganda ang ating pamumuhay sa ilalim ng isang bagong Konstitusyon.