OFWs na biktima ng contract substitution sa Qatar at Libya

ANG aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, at joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, ay nagsagawa ng public hearing tungkol sa contract substitution.

Dininig ng komite ang Resolution 1024 ni Jinggoy kaugnay ng mahigit 20 Pinoy na tile setters sa Jassim Decoration and Services Company sa Qatar, kabilang si Larry Canlas (ni-recruit ng H.M.O. International Human Resources Inc. at pinangakuan ng suweldong 1,500 Qatar Riyals (QR) kada buwan, at Nelson Ebreo (ni-recruit ng SML Human Resources Inc.) na pina­nga­kuan naman ng suweldong US$430.

Pero isinailalim lang sila sa per-production system sa Qatar kung saan ay 9 QR lang ang ibinayad sa  kanila sa bawat square meter ng natapos nilang trabaho. Base sa kakayahan ninuman sa manwal na pagkakabit ng tiles ay umabot lang sa 800 QR ang kanilang sinu­weldo bawat buwan, at ikinaltas pa dito ng kanilang employer ang gastusin sa kanilang pagkain at mga panga­nga­ilangan.

Tumigil sila sa trabaho at dumulog sa Philippine Embassy at Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Qatar. Dahil dito ay nagbanta ang Jassim na ipaku­kulong sila. Sa kalaunan ay pumayag din ang Jassim na umuwi na lang sila sa Pilipinas, pero pinapirma sila sa waiver na nagsa­saad na hindi sila magsa­sampa ng kaso at sila rin ang bahalang mag-prodyus ng pamasahe pauwi, at kung hindi sila pipirma ay hindi ibabalik ang passports nila at hindi rin bibigyan ng exit clearance.

Tinalakay din ng komite ang Resolution 1025 ni Jinggoy tungkol naman sa 50 OFWs sa Libya. Sa orihi­nal nilang kontrata ay sa­sahod sila ng US$420 para sa trabahong walong oras kada araw sa loob ng anim na araw kada linggo. Pero pagdating sa Libya ay pinapirma sila sa paniba­gong kontrata na nagsa­saad na US$300 na lang ang sweldo nila.

Tiniyak ni Jinggoy na magbabalangkas siya ng mga kinakailangang lehis­lasyon laban sa iligal na ga­waing contact substitution.

Show comments