SASABAK daw sa senatorial race sa 2010 ang kaibigan nating si Optical Media Board chair at batikang TV host na si Edu Manzano. Totoo na ba yan Doods? Aba, matutuwa ang legions of fans mo kung positive.
Urong-sulong kasi itong si Edu eh. Halimbawa, noong 2007 umugong din ang balitang tatakbo siya sa senatorial race. Pero sa di malamang dahilan, nag-back-out siya. Well, may sarili siguro siyang dahilan na dapat respetyuhin.
Si Edu ang may brainchild sa bagong kilusang “Ako Mismo” na nag-aadvocate ng pagbabagong nagmumula sa sarili. Alam n’yo ba na tatlong araw lamang matapos ilunsad ang kilusang ito mayroon na kaagad na 560,000 katao ang sumanib?
Kung ibabatay natin ito sa Pulso ng Bayan survey noong Enero, hindi na tayo magtataka. Sa survey na ito, lumalabas na si Edu ay kasama sa top ten sa hanay ng 65 na may potential sa pagka-senador.
Sinasabi ng ilang political analyst na malakas ang potensyal ni Edu kung kakandidato at pagbibigyan ang clamor ng marami. Kung ihahambing daw si Edu sa ibang artistang nag-senador, mas may “k” siya dahil sa magandang track record bilang public servant.
Naging konsehal at vice-mayor siya ng Makati bago siya hinirang ni President Gloria sa OMB. Bukod diyan, naging Pangulo na rin si Edu ng Vice Mayors League at Kapisanan ng mga Artista sa Pilipinas (KAP). Huwag na nating sabihin ang pagiging black-belter niya sa judo, he-he-he!
At outstanding din naman ang performance niya sa OMB na kahit peligroso ay malaki ang naiambag sa pagbawas ng film piracy sa Pilipinas.
Edu sa 2010? Why not coconut?