Summer Olympics. World Cup. SuperBowl. Pinakamalalaking team sporting event sa buong mundo. Malaki hindi dahil sa bilang ng mga nakikipagtunggali – malaki dahil sa malaking bilang ng mga nanonood.
Hindi biro ang magdaos ng ganitong uri ng extravaganza. Hindi kapani-paniwalang halaga ang gugugulin upang ipaabot ang laban sa bilyon-bilyong masugid na sumusubaybay saan mang parte ng mundo. Ang bayad sa arena, sa pag-video ng mga laban, sa mga analysis ng comentador, sa oras na bibilhin sa ibat ibang istasyon – na mas mahal kung Live coverage kaysa delayed. Ang bumubuhay sa mga ganito at sa iba pang malaking sporting event tulad ng Pacquiao-Hatton ay ang mga adverti-sing sponsors. Nagbabayad sila nang malaki (taas ng tongpats) upang makuha iyong mga isa o dalawang minutong mahalagang airtime para sa kanilang produkto. Sa bayad naman nila nanggagaling ang pangtubos ng prodyuser sa oras na binili sa istasyon para sa telecast. Sa madaling salita, kung walang katakut-takot na “TV commercial”, wala ring Pacquiao-Hatton.
Pandagdag din ang commercials sa pananabik ng tao. Sa Amerika, sa taunang SuperBowl (championship ng American Football) nagpre-premiere ang mga magagarang TV Commercial. Sa Olympics at sa Soccer World Cup, mga brand na gustong makuha o mapanatili ang world wide awareness (tulad ng Adidas, VISA, Pepsi) ang madalas mapapanood. Sa mga bata nga eh madalas mas mabenta pa ang commercial kaysa mismong palabas.
Siyempre, ganun din ang matematiks sa Pilipinas. Wala nang sporting event na mas kinasasabikan kaysa sa mga laban ni Manny Pacquiao. At dahil hindi naman natin afford ang umangkas sa TEAM Pacquiao at magbigay ng personal na suporta sa Las Vegas ringside, ang malaking mayorya ay hanggang TV na lang, umaasa sa advertising sponsors para mapanood ang laban.
Dahil tanggap ko ang katotohanang ito, mas madali kong nasisikmura ang dami ng commercial na pi nalalabas tuwing may laban. Kung tutuusin din naman ay walang aksyong nagaganap sa pagitan ng mga round o tuwing half-time o time-out. Kung hindi ko gusto ang pinalalabas, bakit ko sasayangin ang inis ko? Kung maganda naman ang pagkagawa, eh di bonus!