Tigil-putukan ngayon sa Compostela Valley

TUMATAGINTING na P660,000.00 lang naman ang ginastos upang makapanood ng libre ang may tinatayang 30,000 na mga taga-Compostela Valley ang boxing bout nina Manny “Pacman” Pacquiao at Ricky “Hitman” Hatton.

Sinabi ni Compostela Valley Gov. Arthur Uy, na ang satellite live viewing ng Pacquiao-Hatton fight ay ma­papanood ng libre sa may labing-isang bayan sa ka­ni­lang probinsiya. Ito ay gaganapin sa mga gym o ’di kaya ay barangay auditorium ng mga nasabing bayan sa Compostela Valley.

Kung ang P660,000.00 ay hahatiin sa 30,000 katao, lumalabas na P22 ang maging halaga ng expenses kada isang manonood.

Inamin ni Gov. Uy na medyo may kamahalan nga ang charges ng Solar Sports sa P60,000 kada gym ng 11 bayan ng Compostela Valley.

Ngunit pinaliwanag ni Gov. Uy na hindi sinolo ng provincial government ang gastusin dahil nga nag-ambag-ambag ang ibang donors upang maabot nga ang total na halaga na umabot sa sobrang kalahating milyon. Ang dalawang congressmen ng Compostela Valley ay tumulong, maging si Senator Manuel Villar at ang Phoenix Oil Philippines, Inc.

Ayon kay Gov. Uy, ganun din naman sa karatig pro­binsiya nitong Davao del Norte na kung saan ang provincial government ay naghanap din ng paraan upang mapa­nood ang nasabing laban ni Pacquiao sa may sampung bayan nito. Kung sampu nga at sa tiga-P60,000 kada lugar, P600,000 din ang aabutin para sa Davao del Norte.

Kung tutuusin masyado ngang malaking halaga ang P660,000 para mapanood ng live ang laban ni Pacquiao ngayon. Ngunit kung ito ay maging daan man lang sa isang tigil-putukan sa pagitan ng mga rebeldeng New People’s Army at ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines, kahit ngayong araw na ito man lang, ma­laking bagay na iyon para sa mga taga- Compostela Valley.

Ang Compostela Valley kasi ay ang siyang pina­ka­malakas na pugad ng mga communist guerrillas sa ba­haging ito ng bansa. Hindi na bago sa Compostela Valley ang ulat araw-araw tungkol sa sagupaan ng mga rebeldeng NPA at sundalo.

Ngunit hindi rin mababayaran ang kasiyahan na dulot sa mga tao ng Compostela Valley kung mapanood nila ng live ang Pacaquiao-Hatton bout lalo na kung karamihan sa kanila ay wala ngang television set sa kani-kanilang bahay. Karamihan kasi sa mga mamamayan ng Compostela Valley ay mga magsasaka at may mangilan-ngilan na nagtatrabaho sa minahan sa Mt. Diwalwal at sa bayan ng Maco at Pantukan.

At sa araw na ito, hindi lang naman ang tigil-putukan ang inaasam ngunit sana maging daan din ito na maging mas matatag at matibay ang loob ng mga taga-Com­postela Valley laban sa anumang hamon sa buhay dahil nga sa inspirasyon na makukuha nila sa isang Pam­bansang Kamao na gaya ni Pacquiao.


Show comments