Karma, o para sa kamera?

MAY isang sikat na namang naka-confine sa St. Luke’s Hospital, at ito’y walang iba kundi si Celso de los Angeles ng Legacy Group of Companies. May cancer sa lalamunan umano ang ulo ng Legacy scam, na kasa­lukuyan ay dinidinig pa sa Senado at inumpisahan na rin ng Department of Justice (DOJ) ang kanilang pangu­nahing imbestigasyon. Stage 4 na raw ang cancer ni De los Angeles. Sa madaling salita, kumalat na ito. Alam na ninyo ang susunod na mangyayari, kung totoo nga ito.

At may mga hindi naniniwala na siya ay may sakit. Arte na lang daw ito dahil sa dami-daming kasong isinam­pa na sa kanya. Para na lang hindi makadalo sa Senado at sa DOJ, pumasok na rin sa St. Luke’s. Huma­rap na nga ang kanyang abogado para sabihin na totoo ang nangyayari sa kliyente niya, at hindi gimik. Hindi mata­tanggal sa isip ng tao na ito ay pakana lang para makai­was sa mga imbestigasyon, kahit pa binutas ang kanyang leeg para makahinga.

Napaka-timing na rin kasi ang nangyari sa kanya. Kung kailan nagpatuloy ang pagdinig sa Senado, ganito naman ang sinapit niya. Ano na ang mangyayari sa lahat ng mga kumuha ng mga plano sa taong ito? Kaya nag­salita na rin si Philip Piccio ng PEP Coalition na dapat bilisan na ang pag-iimbistiga, para maibalik na sa mga tao ang perang pinagpaguran nila’t nilagay sa Legacy.

Sabihin nang totoo ang nangyayari kay De los Angeles, at ayoko ring isipin na may kinalaman ang St. Luke’s kung sakaling gimik lang ito, dapat bang kalimutan na ang lahat? Ilan din siguro ang hinimatay, nagkasakit o natuluyan din nang malaman na nagsara ang Legacy. Naawa ba ang Legacy sa kanila? Kung Stage 4 na ang cancer niya, bakit hindi ito sinabi noon pa? Ngayon lang ba nadiskubre iyan? Sumusuka na dapat ng dugo si De los Angeles noon pa. Napakaraming pananagutan ni De los Angeles.

Ang nangyari sa kanya ba ay karma, o para sa kamera lamang? Ganun pa man, kailangang magpatuloy ang im­ bestigasyon, at kasuhan na ang dapat kasuhan. Ang na­kikita kong problema dito, lumalabas na si De los Angeles lang talaga ang nagpatakbo ng kalokohang naga­nap sa Legacy. At siya dapat ang managot sa lahat. Hindi mang­yayari iyon habang nakahiga siya sa kama ng ospital.

Show comments