PINAG-UUSAPAN na naman ang labanan nina Manny Pacquiao at Ricky Hatton sa Sabado, May 2 sa MGM Grand Garden, Las Vegas. Katulad ng mga dating laban ni Pacman, muli na namang magtitipon-tipon ang mga Pinoy upang panoorin ang laban.
Dadagsa na namang tiyak ang mga pulitiko dito sa Vegas at maglulustay na naman ng salapi ng bayan. Ang iba sa mga ito ay magsusugal sa laban nina Pacman at Hatton na katulad ng ginagawa ng ilang mga pulitikong Pinoy sa mga dating laban ng boxing champ. Milyun-milyon daw ang tayaan. Mayroong para kay Pacman ay mayroon ding tumataya sa kalaban. Ang ibang base ng tayaan naman daw ay kung anong round ang pagka-knockout.
Maraming pulitikong kakampi ng administrasyong Arroyo ang narito sapagkat may balitang magbabantay ang Pilipino reporters ng mga manunuod na mga pulitiko at iba pang mga personalidad sa Las Vegas. Hindi raw makakapanood sa laban si First Gentleman Mike Arro yo. Kabilang sa mga pulitikong narito sa Vegas ay si Chavit Singson at DENR Sec. Lito Atienza. Miyembro yata sila ng Team Pacquiao.
Muli na namang magkakasama-sama ang Pinoy sa labang ito ni Pacman. Muling magkakaisa para maipakita sa mundo na ibang klaseng Pilipino — todo bigay.
Bantayan kung sino ang mga pulitiko na maliligaw sa Las Vegas upang manood ng laban ni Pacman. Napakaraming problema ng Pilipinas. Parami nang parami ang mga nawawalan ng trabaho at nagugutom. May patayan at magulo pa rin sa ating bayan. Dumadami pa rin ang mga kawatan at ordinaryo pa rin ang korapsiyon.