ANG MGA MATALIK NA MAGKAKAIBIGAN kapag nag-away nagiging mortal na magkalaban.
Isang ama ang humingi ng tulong para sa kanyang anak. Siya ay si Wenifredo “Weni” Cervales, 64 taong gulang at nakatira sa Pateros, Metro Manila.
Ang anak niyang si Richard Cervales, 37 taong gulang ay naging biktima ng isang madugong krimen.
Si Richard ay pangatlo sa apat na anak ni Weni. May asawa siya at isang anak at dating nagtatrabaho bilang ‘service crew’ sa Minute Burger.
“Mabait na anak at ama si Richard. Kilala ito sa aming lugar dahil siya ay palakaibigan na tao. Marami rin siyang mga barkada na tumutulong sa kanya sa mga oras ng pangangailangan,” ayon kay Weni.
Isa sa matalik na kaibigan ni Richard si Alvin “Dodoy” Olandia. Magkakilala raw ang dalawa simula nung sila ay mga bata pa.
Nung nagkaanak raw si Dodoy ay kinuha nito si Richard para maging ninong ng anak nito. Ang magandang pagkakaibigan nila ay biglang nawasak dahil sa isang insidente
Abril 6, 2008 bandang 8:30 ng gabi ay nakatambay si Richard sa bilyaran (pool) habang nanonood ito ng mga naglalaro ng biglang dumating si Dodoy at hinamon nito si Richard na makipaglaro sa kanya.
Ayaw makipaglaro si Richard dahil lasing itong si Dodoy subalit pinilit siya nito.
Ayon sa sinumpaang salaysay ng nakasaksi na si Jovelle Cruz ganito raw ang nangyari, “Ako po ay nasa tapat ng tindahan ni Mang Vic Aluad na nagpapahinga. At doon, sa isang bilyaran’polan na matatagpuan malapit din lang sa tindahan ni Mang Vic ay mayroon naglalarong mga kabataan at nandun itong sinasabi kong Richard subalit siya’y nanood lamang.
Ilang saglit itong si Dodoy ay dumating na lasing sa alak at pilit na niyaya si Richard na maglaro ng billiard (pool). Subalit ayaw ni Richard dahil itong si Dodoy ay lasing. Nandun ako at dahil makulit itong ‘Dodoy’ inuwi na siya ng kanyang mga kapatid.”
Ang inakala ng lahat tapos na ang panggugulo ni Dodoy.
Bumalik si Dodoy dahil minasama pala nito ang pagtanggi ni Richard na makipaglaro. Patuloy ang pagtanggi ni Richard na makipaglaro sa kanya kaya ang ginawa nito ay sinuntok ni Dodoy ang kaibigan sa likod.
Gumanti naman si Richard at nagkasuntukan sila. Habang nangyayari ito bigla namang bumunot ng patalim itong si Dodoy at pinag-sasaksak niya si Richard.
“Mahigit limang saksak sa dibdib ang tinamo ng aking anak,” ayon kay Weni.
Agad dinala sa Ospital ng Makati si Richard upang mailigas ito. “Nagmamadaling tinawag ako ng aking anak na si Marivic sa loob ng bahay at sinabing sinaksak daw ni Dodoy si Richard. Pumunta kami kaagad sa pinangyarihan ng krimen ngunit sa ospital ko na naabutan si Richard.
Ang akala ko ay hindi malubha ang kanyang kalagayan ngunit ng makita ko siya ay ‘comatose’. Naoperahan pa siya ngunit hindi na rin kinaya ng kanyang katawan na lumaban sa dami ng saksak at ito’y binawian na ng hininga,” sabi ni Weni.
Nakasaad sa Death Certificate ni Richard na ang kinamatay niya ay ‘stab wounds to the thorax’.
Si Dodoy ay kilalang nagdodroga sa kanilang lugar.
Hindi malaman ni Wenifredo ang dahilan kung bakit nagawa ni Dodoy ito sa kanyang anak na higit pa sa kapatid ang naging turing sa kanya.
Abril 14, 2008 nagsampa ng kasong ‘murder’ si Wenifredo laban kay Alvin ‘Dodoy’ Olandia sa Rizal Provincial Prosecution Office.
Hindi na muling nakita si Dodoy simula ng nangyari ang krimen kahit ito ay binigyan ng ‘subpoena’ at walang nakuhang anumang testimonya bilang depensa sa kanyang panig.
Hunyo 13, 2008 ng lumabas ang “resolution” na pinirmahan ni Assistant Provincial Prosecutor Gloria T. Marinduque-De Guzman at naisampa sa korte na bumaba sa kasong ‘Homicide’.
Ayon sa “findings” ng prosecutor, “wala umanong intensyon si Dodoy na patayin si Richard sa nasabing gulo at hindi rin nagpapakita ng ‘treachery’ o pagtataksil ng ito ay pagsasaksakin. Ang pinakadahilan daw ay nagkaroon ng pag-aaway at suntukan kaya’t nagawang saksakin si Dodoy.
Agosto 6, 2008 lumabas ang Warrant of Arrest na pinirmahan ni Judge Isagani Geronimo ng Pateros, Metro Manila RTC-Branch 262.
Hanggang ngayon ay nagtatago pa rin si Dodoy at wala pa rin ang nakakaalam kung nasaan ito ngunit patuloy itong hinahanap ng mga otoridad upang harapin ang batas.
“Naaawa ako para sa naiwang pamilya ni Richard dahil sa murang edad ng apo ko ay naulila na ito sa kanyang ama. Ang gusto ko lamang ay mabigyan ng hustisya ang aking anak at mahuli na si Dodoy ,” sabi ni Wenifredo.
Nandito ang larawan ng suspek na si Dodoy. Kung sino man ang may impormasyon kung nasaan si Dodoy ay maaaring makipagugnayan sa amin. (KINALAP NI JOANNE M. DEL ROSARIO)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maaari rin kayo magpunta sa 5th floor City State Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
SA PUNTONG ITO nais kong batiin ang ilang kaibigan sumusubaybay ng kolum na ito. Si Jimmy Mangahas, Boc “Hidalgo” Sanguyo, Atty. Rey Casenas, Boy Samodio, Jeff Onofre De Guzman, Ira Hererra at si Tom Barba.
MARAMING SALAMAT sa inyo at mabuhay kayong lahat.