NAGING paboritong destinasyon na ngayon ang Pilipinas ng mga foreign shipping companies para sa kanilang mga barko na kailangan munang mag-‘lay up’ o parking dahil nga sa kakulangan ng kalakalan dala ng pangkasalukuyang global financial crisis. Ito yong mga barkong walang biyahe dahil nga wala namang cargo na madadala.
Lumabas kasi na pag ikumpara sa ibang bansa ang Pilipinas ang may pinakamura na charges bawat lay-up ship. Ayon sa Maritime Authority Industry Administration (MARINA), may $91 hanggang $117 kada araw ang charges ng Pilipinas sa kada barko depende sa laki nito.
Mura nga masyado ang Pilipinas dahil ang ibang bansa gaya ng Hong Kong ay nagcha-charge ng $1,000 hanggang $1,500 kada araw bawat barko na dumadaong sa kanila for lay-up purposes. At ang isang barko ay tinatayang nakadaong ng tatlo hanggang anim na buwan.
Hinihikayat nga ng MARINA ang ibat-ibang shipping agencies na dito na nila gawin ang lay-up ng kanilang barko. At ang Davao Gulf, partikular na ang Malalag Bay sa Malalag, Davao Del Sur; Pujada Bay at Bunawan Bay sa Davao Oriental, ang tinuturing na mga lay-up sites dahil nga sa lawak ng tubig sa nasabing mga area. At pangkasalukuyan ngang may mga laid-up ships na ngayon sa Malalag Bay.
Ngunit heto ang problema. Napag-alaman kong ang mga kasali sa incentives na pang-engganyo ng MARINA sa mga foreign shipping companies ay ang luwagan ang formalities na kailangan sa pagdating ng barko na gaya ng customs, immigration, quarantine at pati na security (CIQS).
Tila pinipilit ata ng MARINA na isuspend nga ang nararapat na formalities para lang mapagsilbihan ang mga shipping lines. Ayaw raw ng mga opisyales ng MARINA na paakyatin ang mga tauhan ng immigration, customs, quarantine at maging ang coast guard sa tuwing may dadaong na barko.
Hindi yan pupuwede! Dapat sikapin ng MARINA na ma-involve ang ibang agencies sa processing ng formalities para masigurong ligtas sa anumang kapahamakan ang padaong ng barko.
Oo, kailangan ng gobyerno ng dagdag na kita at ang lay-up shipping sites ang isa sa puwede nating maging revenue source ngunit kung ang nakataya ay ang seguridad ng bansa, para ano pa ang kakaunting kikitain sa mga laid-up ships na iyan kung problema lang din ang dala nila.
Malay ba natin kung may mga kargamento palang nakatago sa loob ng mga barko gaya ng ammunition. At isa pa, dapat ang mga nararapat na customs duties ay mabayaran din kung sakali ngang may ibababang kargamento ang barko.
At importante ring papasukin ang mga immigration representatives sa barko tuwing may arrival upang magawan nga ng nararapat na formalities ang mga dokumento ng mga tripulante ng barko.
Oo, may kikitain nga ang MARINA sa lay-up ships ngunit ano naman ang liability nito pag may mangyari? Tiyak, tatawagin ng MARINA ang ibang CIQS agencies at maging ang local government unit upang tumulong.
Sana itong bagay na ito ay mapag-usapan at mahanapan ng paraan sa agencies na involved sa CIQS dito dahil ito ay hindi pupuwedeng solohin lang ng MARINA.