MALAKING palaisipan ngayon sa mga tagahanga ni ABS-CBN radio/television newscaster Ted Failon (Mario Teodoro Etong) kung suicide o pinatay ang asawa na si Trinidad “Trina” Etong matapos madiskubre ng mga pulis na malinis na ang crime scene. Nagmistulang hilong talilong ang mga pulis nang pasukin ang bahay ni Failon sa 27 General Aquino St., Tierra Pura Subd., Tandang Sora, Quezon City noong Miyerkules ng hapon. Malinis ang lahat kaya umuusok ang ilong ng mga pulis dahil hindi nila malaman kung papaano sisimulan ang imbestigasyon.
Naging maluwag din umano ang pamilya Failon sa lahat ng mga kakilala nito na labas masok sa naturang bahay kung kaya hindi na preserba ang mga finger print na kailangan sa pag-imbestiga sa naturang bahay. Maging ang Mitsubishi Pajero na ginamit ay malinis na kaya malabo nang makunan ng mga ebidensiya ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Nakaabala sa mga pulis ang pagtanggi umano ni Failon sa sumama sa kanilang himpilan upang makunan ng statement. Umabot kasi ng walong oras ang pagkumbinsi ni Supt. Franklin Mabanag, hepe ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (DICU) kay Failon na magtungo sa kanilang himpilan upang magpahayag ng salaysay.
Dakong 12:30 ng hatinggabi dumating si Failon kasama ang kanyang anak na panganay na si Kaye at tatlong bodyguards sakay ng kanyang kotseng Honda Civic sa QCPD-DICU headquarter sa Camp Karingal. Naging closed door ang isinagawang pagbigay salayasay ni Failon sa tanggapan ni Supt. Gerardo Ratuita na ang tanging nakakapasok lamang ay ang kanyang mga piling-piling kasamahan sa trabaho at mga abogado habang katabi ang kanyang anak na si Kaye. Inabot na ng umaga si Failon sa naturang himpilan bago siya nakalabas ng CIDU matapos makatulugan ni Ratuita ang pipirmahang sworn statement nito. Kaya nang makalabas ito ay dali-daling nagtungo sa New Era General Hospital upang atupagin naman ang kanyang asawa na nakaratay sa Intensive Care Unit (ICU). Subalit hindi pa man nakararating si Failon sa kinaroroonan ng asa- wang si Trina ay nagsiklab sa galit si SSupt. Elmo San Diego na pakiwari’y tinakasan sila nito. He-he-he!
Ngunit mga suki! Hindi po tumakas si Failon sa mga pulis dahil ang pakay niya ay pangasiwaan ang kalagayan ng kanyang asawa. Sa ngayon ay lalong naging masalimuot ang sitwasyon ni Failon dahil lahat ng kanyang mga kasambahay ay inaresto na sa kasong Obstruction of Justice. Maging ang kanyang dalawang hipag ay isinama na rin sa mga akusado. Ang masakit pa, habang todo bantay ang mga pulis sa Fiscal’s Office na babasahan ng kaso ang kanyang mga kasambahay at hipag ay nalagutan ng hininga ang asawang si Trina. Kahapon, lumabas sa paraffin test na negatibo sa powder burns si Trina.
Sa ngayon abot-abot na ang problema ni Failon sa kanyang asawa, kasambahay, hipag at sarili. Sa ngayon marami ang katanungang umuugong sa tunay na motibo ng kamatayan ni Mrs. Trinidad Etong. Abangan!