NANG maglaban ang nakaupong walang-nagawang gobernador Mark Lapid at asawa ng jueteng lord na Lilia Pineda nu’ng 2007, nasuklaman na ang mga taga-Pampa nga. Iba naman, anila, ‘yun namang bagong dugo na hindi pa napuputikan ng pulitika. Kaya sumulpot ang isang pari, si Ed Panlilio, na nanalo nang ilang daang botong lamang lang sa dalawang “trapo” o traditional politico.
Kung maaalala, natalo din sa pagka-senador ang mga sikat pero walang karanasang pulitikal na mga artista, sina Richard Gomez at Cesar Montano. Ibinasura din ng mga botante ang mga datihang pulitiko, sina Tito Sotto, Tessie Oreta, Prospero Pichay, at Chavit Singson. Ihinalal ang baguhang Antonio Trillanes, at inaasahang fiscalizers na Panfilo Lacson, Miriam Santiago at Alan Peter Cayetano.
Ngayon maaga pa ay humihingi na ang botante ng alter natibong mga kandidato. Labing-apat na buwan pa bago ang eleksiyon, pero binabanggit na ang mga bagong pangalan bilang Pangulo. Nariyang isinusulong ng Kaya Natin Movement si Panlilio, kasama si Isabela Gov. Grace Padaca bilang Bise. Merong nag-uudyok kay Chief Justice Reynato Puno na pumalaot sa pulitika at pamunuan ang pagreporma sa sistema. At nagpi-prisenta rin ng plataporma ng moralidad si Bro. Eddie Villanueva.
Sa pagka-senador ay binabanggit ang mahuhusay na local officials, tulad ni Mayor Jessie Robredo ng Naga, o kaya ang whistleblower na Joey de Venecia.
Ang mensahe ng mamamayan sa paghahanap ng Third Force ay ito: Sawa na kami sa mga trapo, maging sa administrasyon o sa oposisyon. Sinubukan na namin sila, at hindi umunlad ang bansa dahil sarili lang nila ang pinayaman. Tama na, sobra na, baguhin na.
Ang problema ng Third Force, para sa akin, ay malamang na lamunin din sila ng sistema. Kung hindi matatag ang kanilang paninindigan, sisikapin nilang manalo sa pamamagitan ng dagdag-bawas, at babawiin ang ginastos sa pamamagitan ng pork barrel.