NAPAG-IWANAN na ang Maynila.
Bilang capital ng Pilipinas, dapat ang Maynila ang namumulaklak ng mga negosyo tulad ng call centers at iba pa. Maraming high-rise buildings din kasi ang Maynila na dapat maging bahay ng mga call centers at iba pang negosyo. Subalit saan sila? Doon ang mga call centers sa Marikina City, Pasig City, Mandaluyong City, Makati City, Quezon City at Taguig City. Ano ang dahilan kung bakit umaayaw ang mga negosyanteng pumasok sa Maynila? Simple lang ang sagot mga suki! Ang lumalalang benggahan ng mga pulitiko! At ang tinutukoy ko mga suki ay ang walang katapusang alitan ng kampo nina Manila Mayor Alfredo Lim at DENR Sec.Joselito Atienza na hindi nagdulot ng maganda, hindi lang sa imahe ng Maynila, kundi maging sa larangan ng negosyo. Kaya ang taga-Maynila ay naghahanap na ng tinatawag na “man on the Horseback” ‘ika nga para mapaunlad ang Maynila para itaas ang antas ng pamumuhay ng mga residente. Marami kasi ang nakakapuna na ang kampo nina Lim at Atienza ay mga sarili lang nila o ng mga alipores nila ang iniisip at hindi ang kapakanan ng maraming Manilenyo. At sino kaya ang nararapat para sa Maynila?
Matatandaan mga suki na si Atienza ay dating vice-mayor lang ni Lim. Inindorso ni Lim si Atienza at nang manalo siya, aba ang lahat ng supporters ng una sa City Hall ay sinibak niya. Matapos ang tatlong termino, pinalitan naman ni Lim si Atienza at ang nangyari sinibak din ng kasalukuyang mayor ang supporters ng katunggali niya. At sa ngayon, napipinto ang showdown na muli nina Lim at Atienza at tiyak walang katapusan na ang benggahan nila. At sino ang matatalo? Ang mga Manilenyo na nahihilo na sa kaiisip kung may pag-unlad pa ang Maynila na nilampasan na ng milya-milya ng Makati City at Quezon City.
Kung hindi kasi nakatuon lang sa benggahan ang isipan ng kampo nina Lim at Atienza, aba dapat sigurong ang isipin nila ay ang mga proyekto, lalo na ‘yaong job generating para maitaas ang antas ng pamumuhay ng Manilenyo. Tulad nitong Avenida, Carriedo at Escolta na puwedeng maging pugad ng mga call centers. Ang Ongpin at Intramuros ay puwede ring gawing tourist spots. Ang Divisoria at North Harbor ay puwede ring ayusin at mapagkakitaan. Subalit ang nangyari mga suki, ang Avenida na gustong gawing tourist spot ni Atienza ay ipinasara ni Mayor Lim dahil hindi niya ito proyekto. Ang mga pailaw din sa mga tulay sa Maynila ay pinalitan din ni Lim. Gumastos ng milyon ang Maynila subalit nawala ang salaping parang bula bunga sa benggahan nina Lim at Atienza. Kung ang pera sana ay binili na lang ng gamot para sa mga mahihirap, eh di napakinabangan pa ng maraming mahihirap, di ba mga suki. Ang nakinabang lang ay ang bulsa nina Lim at Atienza.
Habang papalapit ang 2010 national elections, dapat mag-isip na ang mga barangay chairman at iba pang lider ng Maynila kung gusto ba nilang umunlad ang Maynila o maging kulelat pa rin sila pagdating sa negosyo nga. May balita pa na umabot na sa P1.4 bilyon ang deficit ng Maynila at halos wala ng pang-suweldo ang City Hall sa mga empleado nito. Itong patuloy na benggahan nina Lim at Atienza pa kaya ang kasagutan sa kahirapan ng mga Manilenyo? Tama na, sobra na! Kailangan na ng bagong lider sa Maynila para makaahon naman sa kahirapan ang mga vendors at iba pa. Sino siya? Malapit na ang kasagutan. Abangan!