KUNG nakahingi ng tulong mula sa US Navy para hanapin ang nawawalang Presidential Bell 412, bakit hindi pa tinuloy ang paghingi ng tulong para hanapin ang nawawalang eroplano ng Chemtrad sa Isabela? Humingi na pala ng tulong mula sa dayuhang bansa, bakit hindi pa isinabay? Ito ang daing ng mga kamag-anak ng mga pasahero ng nasabing eroplano. Hanggang sa sinusulat ito, hindi pa natatagpuan ang Chemtrad, na lumipad mula Tuguegarao City noong Abril 2. Wala pang balita kung ano ang nangyari sa eroplano, pati na sa mga pasahero nito. Tila nalulon ng gubat at hindi matagpuan!
Dito mapapakinabangan ang mga moderno at magagandang gamit ng mga Amerikano. Mga gamit na nakapagsusukat ng init ng katawan kung buhay pa ang mga pasahero. Pati na mga downward-looking radar na nakakabit sa mga rescue helicopter nila. Kaya naman hiningi ang tulong nila dahil sa kagamitan nila, at mas importante, dahil mga miyembro ng Gabinete ni President Arroyo ang mga nakasakay.
Wala sigurong kakilala si President Arroyo sa eroplano ng Chemtrad kaya hindi na muna humingi ng tulong para rito. Ganundin naman kasi ang nangyayari sa mga bilanggo na pinalalaya na. Mga kriminal ng mga sikat na kasong pagpatay o paghalay sa bata, na ngayo’y malaya na, dahil ba sa mga impluwensiyang tao at pamilya? Ako, hindi ako bulag sa mga nangyayari pero kayo na rin ang humusga.
Habang tumatagal na hindi nahahanap ang eroplano at mga pasahero nito, mas lumiliit ang pag-asa na buhay pa sila. Parang mga biktima ng isang lindol. Kapag hindi nasagip sa loob ng tatlong araw, milagro na lang ang makakapagligtas sa kanila. Sana ay magkusang loob na rin ang mga Amerikano at hanapin na rin nila ang eroplano kahit walang pormal na hiling mula sa gobyerno.
Huwag na tayong umasa sa administrasyon at mga kakampi lang naman nila ang inaatupag nila palagi! Pa rang yung nawalang S-211 na eroplano ng Philippine Air Force ay hindi na rin hinanap noong nawala nu’ng isang taon. Malamang sa dagat na iyon bumulusok dahil may parating na bagyo. Kung may dapat gastusan at paglaanan ng budget ay ang mga kagamitang panligtas, para sa mga sitwasyon katulad nito. Marami tayong gubat at karagatan, kaya pag may nawala, para kang naghahanap ng karayom sa damuhan!