KASABAY ng pagpupugay ng mga Kristiyano’t Katoliko sa katatapos lamang na Easter Sunday, ang muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo, isang magan dang balita naman ang natanggap ng BITAG.
Isang sulat mula sa Kapitan at residente ng Brgy. Bolitok, Sta. Cruz, Zambales. Sulat ng pagpapasalamat dahil sa magandang progreso ng kanilang ipinaglalabang kaso sa kanilang lugar.
Kung matatandaan ang kontrobersiyal na bundok sa Sta. Cruz Zambales na walang kaabug-abog na piñata ng kumpanya ng minahan na DMCI.
Ayon kay Kapitan Nilo ng Brgy. Bolitok, nagsagawa na raw ng sunud-sunod na inspeksiyon at imbestigasyon ang Department of Environment and Natural Resources Region 3.
Ito ay sa pangunguna ng bagong upong Regional Director na si Antonio Principe na nakapanayam ng BITAG nitong nagdaang buwan sa aking programang BITAG Live.
Dahil dito, nagpapasalamat ang buong Brgy. Bolitok, Sta. Cruz, Zambales sa nakita nilang progreso matapos naming panghimasukan ang reklamong ito.
Ibinabalik naman ng BITAG ang pasasalamat sa tanggapan ng DENR Region III, partikular kay RED Principe dahil sa pagtupad nito sa ipinangako niya sa BITAG na magsasagawa ng ocular inspection at investigation sa lalong madaling panahon.
Nauunawaan marahil ng DENR III na buhay at kapa-kanan ng mga taumbayan ang nakasalalay sa pagtibag ng bundok dahil malalagay sa peligro ang mga residenteng ito.
Bagay na hindi nauunawaan ng nagdaang Regional Executive Director na nakipagtalo pa sa BITAG at nangakong ipapakita umano ang siyertipikong pumasa ito sa mga requirements ng Environmental Management Bureau.
Na ang nakakatawa, hanggang maalis siya sa DENR 3 at malipat sa ibang lokasyon, hindi pa nito naipakita sa BITAG.
Senyales na nga ba ito ng tuluy-tuloy at pagka-wala na ng kalbaryo ng mga taga-Brgy. Bolitok? Iisa lang ang masasabi rito ng BITAG, hindi pa kami tapos dahil kailangang may managot pa sa reklamong ito.
Patuloy kaming nakatutok sa kasong ito.