(Unang Bahagi)
KASO ito ng GDC. Ang trabaho ng GDC ay magsupply sa isang kompanyang gumagawa ng mga konkretong tubo at hulmadong konkreto na mga materyales na ginagamit sa konstruksiyon. Pinauutang at minsan ay ang GDC pa mismo ang nagbibigay ng pondo para sa mga proyekto ng kompanyang PSI sa tulong ng isang kapatid na kompanya na nagpapautang naman ng pera dito. Si Simon, ang PSI General Manager at si Gary, isang mataas na opisyal ng PSI at customer ng GDC ang nagmaniobra nito.
Noong una, ang mga materyales sa konstruksiyon na dinedeliber ng GDC sa PSI ay kinukuha sa isang bodega sa ibang bayan na may layong kung ilang kilometro mula sa PSI compound. Upang mapadali, inalok ng mga opisyales ng PSI sa pangunguna nina Gary at Simon na ilagak na lamang ang mga materyales sa PSI compound. Dahil nga kasi pinauupahan din ng GDC ang bodega nila sa isang bakery na tinanggap ng GDC ang alok ng PSI at nag-umpisang maging bodega nito ang isang bahagi ng compound. Naglagay ang GDC ng mga gamit at materyales nito sa bodega mula sa Luzon at Cebu. Nasa compound din ang mga makinang ginagamit sa pagbubuhat at pagkakarga ng mga materyales ng GDC.
Sa paglalabas ng mga materyales ng GDC mula sa PSI compound, kumukuha ng mga purchase order ang mga kustomer mula sa main office ng GDC. Sunod naman na ibibigay sa kustomer ay ang mga withdrawal slip na naglalarawan ng mga gamit na ilalabas pati ang dami nito. Ipapakita muna ang mga papeles sa tauhan ng GDC na nakatalaga sa compound. Pagkatapos itala ang mga gamit ay saka pa lamang ito makukuha ng mga kustomer. Ang prosesong ito ang sinusunod ng lahat ng kustomer, maging sina Gary at ang PSI na parehong nakapuwesto sa loob ng compound. Si Gary rin kasi ay may sariling bodega sa loob ng compound.
Nang mabakante ng bakery ang bodega ng GDC, nagdesisyon na rin ang GDC na sa sarili na rin nitong bodega ilagak ang mga gamit nito. Inumpisahan nitong hakutin ang mga gamit mula sa compound ngunit dalawang truk lang ng gamit ang nailabas nila sa compound pagkatapos ay pinigilan na ng mga guwardiya ng PSI ang mga tauhan ng GDC ayon daw sa utos ni Gary. Kahit anong tawag sa mga opisyales ng PSI ay hindi na nito pinayagan ang GDC na makapaglabas ng mga gamit.
(Itutuloy)