NAKAKATAWA at nakatutuwa na kapag nagsisimulang umarangkada ang presyo ng produktong petrolyo ay nagkukumahog din sa pagpapaalala ang pamahalaan na kailangan daw magti-pid ang lahat. Nararapat daw na sa panahong ito ng krisis, kailangang magtipid sa enerhiya. Hindi ba’t noong nakaraang taon din ay ganito rin ang panawagan ng pamahalaan? Noong Marso 2008 ganito rin ang senaryo — nagbabadya ang pagtataas ng petroleum products at pati ang bigas ay nagsimula nang magpakita ng pagsasalat. Hindi ba’t tila prusisyon ang haba ng pila para makabili ng NFA rice. Mayroon pang mga nagbabangay dahil lamang sa pila.
Nang hindi na mapigil ang pagtaas ng petro- leum products, agad nag-atas ang Malacañang na magtipid ang mamamayan hindi lamang sa gasoline kundi pati na rin sa kuryente at tubig. Ipinag-utos sa mga tanggapan ng pamahalaan na igarahe ang mga sasakyang malakas kumunsumo ng gasoline at hinikayat na mag-commute na lamang ang mga miyembro ng Cabinet. Maaari raw sumakay sa Light Rail Transit o kaya’y mag-dyipni. Sa ganitong paraan daw ay makapagtitipid sa gastusin ang gobyerno, Malaki raw ang matitipid kapag naipatupad ang kampanya sa pagtitipid. At nakita ang epekto sa pagtitipid sapagkat nabawasan ang mga sasakyan sa kalsada. Nakatulong pa para mabawasan ang trapik.
Subalit ang kampanya sa pagtitipid ay agad din namang nakalimutan nang magsimulang bumaba na ang presyo ng petroleum products. Nawala na ang kautusan nang manumbalik ang dami ng bigas sa pamilihan. Sa isang iglap ang kampanya ay nawalang parang bula.
Noong nakaraang linggo, isang panawagan na naman ang ginawa ng pamahalaan, ngayon daw panahon ng tag-init ay kailangang pairalin ang pagtitipid. Malakas daw ang kunsumo ng kuryente ngayon. Kailangan daw umisip ng paraan kung paano makapagtitipid sa kuryente at tubig ganundin sa gasolina. Makatitipid daw ng P7 milyon ang pamahalaan kapag naipatupad ang pagtitipid.
Pagtitipid na naman ang sigaw ng pamahalaan. Mas mabuti kung ang mga pinuno at opisyal ng pamahalaan ang magsisimulang magpakita ng halimbawa sa pagtitipid. Kapag hindi nagpakita ng halimbawa, hindi kailanman matutupad ang panawagang magtipid.