Sino ang pinakamataas na padrino?
TALAGANG malakas ang padrino ni Celso de los Angeles. Masasabi ko ito dahil halos 12,000 sundalo at pulis ang nabiktima rin ng kanyang Legacy Group of Companies, pero parang hindi naman siya nababahala. Alam ng ordinaryong mamamayan na hindi puwedeng lokohin o gaguhin ang sundalo at pulis, dahil hindi ka sasantuhin nito. Tingnan nga lang ng masama ang isang pulis o sundalo at siguradong sakit ng ulo ang iyong aabutin. Ilang insidente na ang narinig at nababalitaan natin na ganyan. Mga nagkapikunan sa inuman, nagkagitgitan sa trapik, nagmurahan sa kalye, at marami pa. Malalaman mo na lang na binaril ng pulis o sundalo ang mga nakakatapat niya sa ganyang mga sitwasyon.
Pero dito, naloko sila sa pera. Naisahan sila sa pera. Nauwi sa wala ang kanilang mga pinaghirapang hulog sa mga paakit na plano ng Legacy. Pero masaya pa rin si Celso de los Angeles, at naging mayor pa! Sigurado may mga bodyguard ito na galing rin sa mga hanay ng pulis o sundalo, paano iyon? Pati mga opisyal ng mga kompanya at ng mga banko na sangkot din sa kawalanghiyaang ito ay wala ring nangyayari! Baka patawa-tawa na lang sila kasama ang mga abogado nila, habang kumakain pa rin nang masasarap at mamahaling pagkain.
May mga nakasuhan nang mga mataas na opisyal ng Securities and Exchange Commission (SEC) hinggil sa pagprotekta kay Celso de los Angeles. May mga susunod pa raw. Pero tila may mas matataas pang opisyal na sangkot sa pagprotekta kay Celso de los Angeles at ang kanyang mga kompanya, para magawa niya ang mga kawalanghiyaan niya sa lahat ng klaseng tao, kasama na mga sundalo at pulis. Gaano kataas kaya ang abot ng suhol ni De los Angeles?
Patuloy ang imbestigasyon ng Senado, pati na mga grupo katulad ng PEP Coalition sa pamumuno ni Philip Piccio. Mabuti na lang at may mga taong may malasakit sa mga biktima ng mga masasamang pre-need na kom panya. Kung wala sila, ano pa ang laban ng mga biktima sa mga may-ari ng mga ito, lalo na kung may mga padrinong nasa mataas na posisyon ng gobyerno? Kaya hindi maaari ang makawala na lang ang mga katulad ni De los Angeles, at kung sino pang padrino ang kumupkop sa kanya! Sigurado ako, mataas na mataas na tao ito sa gobyerno!
- Latest
- Trending