NATATAWA pati si Senate President Juan Ponce Enrile sa balitang kakasuhan ng “gun toting” sina dating Presidente Estrada at Makati Mayor Jojo Binay dahil sa pagdadala ng replica ng machine-gun sa isang parada sa Cebu kamakailan. Kailan pa raw naging gun toting ang pagbibitbit ng laruan, tanong ng senador na abogado de kampanilya at kaalyado ng administrasyon.
Gagamitin daw ng administrasyon ang isang lumang batas ni Marcos para kasuhan ang dalawa. Napabungisngis si Enrile at sinabing:
“Wala na yun. Martial Law pa yun e. You know if I were a member of the police, they have better things to do than deal with a problem like that. Pinagtatawanan lang sila e. They will convict Estrada and Binay for riding on a jeep with a replica of a machine gun mounted on it? “
Sa ginagawa ng mga taong “sipsip” kay Gloria, lalu lamang pinasasama ang imahe ng administrasyon. Pati ang kontrobersyal na affidavit ni Cesar Mancao na nagtuturo diumano kay dating Presidente Estrada bilang “utak” sa pagpatay sa publisistang si Bubby Dacer at driver niyang si Emmanuel Corbito ay hinihinala tuloy na isang political demolition laban sa pangunahing political figure sa bansa. Dapat tayong maging mapanuri at timbangin ang bawat anggulo ng anumang isyu.
Litung-lito na raw ang barbero kong si Mang Gustin sa mga bagong development tungkol sa celebrated double murder case na ito. Politically motivated nga ba? Katakataka ang pahayag kamakailan ni Reynaldo Berroya. Hindi siya naniniwalang may kinalaman si Erap sa krimen na naganap noong 2000. Wala daw sa karakter ni Erap ang magpapatay ng tao. Kung tutuusin puwedeng ituring na kalabang mortal ni Estrada si Berroya na noo’y intelligence chief. Remember, si Erap mismo ang nagpakulong kay Berroya noong araw. Dalawang taon ding nagdusa sa piitan si Berroya sa kasong abduction o pagkidnap sa Taiwanese businessman na si Jack Chou. Lumaya lamang si Berroya noong 1997. Sa kabila nito, naniniwala si Berroya na walang kinalaman si Erap sa pagpaslang kina Dacer at Corbito.
Ani Berroya “Estrada was not mentioned in the killings, and I don’t think it is in his character to order somebody killed.” Hindi kumbinsido si Berroya sa affidavit ni Mancao.
Pinagbabatayan ni Berroya ang naunang mga affidavit na nilagdaan naman ni Glenn Dumalo na isa pang police officer nadawit sa kaso. Aniya, hindi raw tinukoy ang ngalan ni Estrada sa mga affidavits na ito.
Kaya sabi ni Mang Gustin, hindi maaakusahan si Berroya na kaalyado ni Erap at mukhang may bigat ang kanyang teorya.
Sa pag-analisa ni Berroya, Kung napuwersa si Dumlao na lumagda sa magkakaibang affidavit na kumokontra sa bawat isa, possible rin na si Berroya ay sapilitang pinapirma “under duress”.
Kakatwa rin na dedepensa si Berroya sa panig ni Estrada gayung sinasabi sa sinumpaang pahayag ni Mancao na kasama siya sa ipinapapatay ng dating Pangulo.
Sa gitna ng mga pangyayaring ito, bahala na tayong mga mamamayan na gumamit ng ating kukute at analisahin ang bawat nagsusulputang isyu.