PAALIS na kami ng mga pinsan ko ng Jack’s Ridge dito sa Davao City noong nakaraang Lunes ng gabi nang biglang may dumating na naka-wangwang. Lagpas 10:00 p.m. na iyon ng gabi kaya medyo naka-irita ang wangwang na wala namang traffic sa mga daan dito.
Nakatawag pansin nga kasi tatlo ang hagad o police motorcycle escorts na naka-full wangwang talaga na sinabayan pa ng isang mobile police vehicle na nakawangwang din. At ang pinagitnaan ng tatlong hagad at ng mobile patrol car ay iisang sasakyan lang, isang pulang Crosswind.
Hindi ko na nalaman kung sino ang VIP na in-escortan ng mga hagad at ng mobile police car kasi nga paalis na kami ng Jack’s Ridge noon.
Dumaan muna kami ng Barangay Ma-a bago ko inihatid ang dalawa kong pinsan sa may bandang Lanang naman. At habang binabaybay namin ang J.P. Laurel Ave. sa may Bajada, at sa tapat mismo ng Carmelite Monastery, nag-overtake sa amin ang wangwang na naman na napansin ko ay parehong grupo lang din sa mga umakyat ng Jack’s Ridge.
Parehong tatlong hagad sa harap na sinundan ng pulang Crosswind at ang nasa buntot ay ang mobile police car nga at nakawangwang pa rin sila. Kapansin-pansin din dahil bakit isang sasakyan lang at makikita sa labas na siksikan sa loob ang mga pasahero ng Crosswind.
Iba nga ang grupo sa nakasanayan kong mga VIPs na dumating dito na hindi pa nga gumagamit ng wangwang. Talagang overkill ang wangwang ng tatlong hagad at isang sasakyan lang ang pinagitnaan nila ng nakawangwang naman na mobile police car.
Duon ako nagpasyang sundan ang grupo ng wangwang kasi nga nang tawagan ko si Senior Supt. Ramon Apolinario, ang Davao City chief of police, hindi rin daw niya alam kung sino ang nag-request for escort.
At nagtaka ako bakit ganun na lang ang wangwang kung tutuusin ang puwede lang gumamit ng wangwang ay ang presidente, bise presidente, senate president, at mga ambulance in case of emergency at mga pulis tuwing may nagaganap na krimen at ang bombero kapag may sunog.
Sinundan ko nga ang wangwang hanggang sa sila’y lumiko patungong back entrance ng Grand Regal Hotel na kung saan nagsibabaan ang mga lulan ng Crosswind. At doon ko nalaman na ang VIP pala ay si Isabela Gov. Grace Padaca.
Sinabihan ko si Gov. Grace na ang kaniyang wangwang ay talagang nagdala sa akin sa kanya. At ayon sa kanya ang wangwang nga raw ay request ng kanyang hosts habang andito siya sa Davao City na kung saan naging guest speaker siya sa graduation ng isang paaralan dito.
Siguradong walang kasalanan si Gov. Grace sa wangwang, nais lang sigurong magpa-impress ng mga hosts niya rito kaya nilubus-lubos na ang wangwang.
Mahaba-haba rin ang panayam namin ni Gov. Grace na inabot ng 12:00 midnight ng gabing iyon kasi nga tinanong ko na rin siya sa napabalitang balak niyang tumakbong vice president ni Pampanga Gov. Eddie Panlilio sa darating na May 10, 2010 elections.
Naging prangka naman si Gov. Grace na kailangan niyang pag-isipang mabuti bago nga siya sumabak bilang running mate ni Among Ed kung saan sila ay tinaguriang mga ‘reform candidates’. Ayon kay Gov. Grace kailangan nga raw muna niyang makita na andun ‘yong ‘groundswell’ sa clamor ng mga tao bago siya magpasiyang tatakbo sa pagka-bise presidente.
Dapat din sigurong pag-isipang maigi nina Among Ed at Gov. Grace ang isang geographical issue na kapwa sila taga northern Luzon. At ang northern Luzon ay hindi ang buong Pilipinas. Paano nila ibebenta ang mga sarili nila sa mga taga-Mindanao? At maging sa mga taga-Visayas, mahirap din yong puro kayo taga-Luzon ang kanilang pipiliin.
Kung ipagpatuloy nina Among Ed at Gov. Grace ang pagiging ‘reform candidates’ sa May 10 polls, dapat din silang magkaroon ng komprehensibong ‘Mindanao agenda’. They should have a full grasp of the issues affecting Mindanao.
At ayon nga sa mga political observers dito sa Mindanao sa binabalak ni Among Ed at ni Gov. Grace sa 2010 elections, “PAG SURE UY!”
In short, you cannot just ‘wangwang’ your way to the presidency and the vice-presidency.