IKALIMANG Linggo ng Kuwaresma. Sa paglikha sa atin ng Diyos ay nakaukit na ang kanyang mga utos at tipan na sagisag ng ating pakikipagkasundo. Maging ang ating unang magulang: Adan at Eba ay nakipagkasundo din sa tipan na hindi nila kakainin ang ipinagbabawal na bunga ng isang halaman, subali’t sinira nila ang tipan. Naparusahan sila at tayo ang nagmana ng kasalanang orihinal. Subali’t ang Diyos ay mapag-unawa. Sinabi Niya: “Gagawa ako ng bagong pakikipagtipan at di ko gugunitain ang tanang kasalanan.”
Ayon sa salmo, patuloy tayong humihiling: “Likhain mo Diyos ang aking tapat na puso at loobin. Mga kasalanan ko’y iyong pawiin ayon sa iyong pag-ibig sa akin.” Maging si Jesus na umiibig sa mga nilikha ng kanyang Ama ay patuloy na dumadalangin at lumuluhang sumasamo upang iligtas tayo sa kaparusahan. Maging ang kapalit ay ang kanyang kamatayan.
Ang butil ng trigo ang pinakamagandang halimbawa ni Jesus ng tunay na kahalagahan ng buhay. Ang butil ng trigo kapag hindi namatay ay mananatiling nag-iisa, ngunit kung mamatay ito ay mamumunga ng marami. Noong ako’y nasa paaralang elementarya (St. Joseph’s Academy, Sariaya, Quezon ay meron kaming gardening at di ko malilimutan ang laging sinasabi sa amin ni titser si Sr. Maria Estigmas, FMM (RIP) na sa tuwing magtatanim ako ng bawang ay lagi niyang sinasabi na dapat daw mamatay muna ang butil ng bawang bago ito mabuhay. Di ko ito kaagad maunawaan. Kinabukasan napansin kong nabiyak ang butil at may lumitaw sa gitna nito na may tumubong bagong sanga, isang bagong puno ng bawang. At sabi pa niya na kapag hindi nabiyak ang butil ng bawang walang bagong halaman. Walang bagong buhay!
Ito ang patunay ni Jesus: “Ang nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, nguni’t ang napopoot sa kanyang buhay ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. At sinabi pa niya: “Ako’y nababagabag…Ama iligtas mo ako sa kahirapang daranasin ko? Hindi! Sapagka’t ito ang dahilan kung bakit ako naparito… upang danasin ang kahirapang ito… at parangalan ang Ama.” Ang paghihirap at pagtitiis para sa mga mahal sa buhay ay di mawawalan ng gantimpala ng Panginoon.
Sa susunod na Linggo ay Linggo ng Palaspas. Ang paghanga at pagpupuri kay Jesus ay isa lamang paghahanda ng Kanyang tunay na misyon para sa atin. Magsakripisyo at magtiis sa mga alimura ng tao, patawarin tayo sa ating mga kasalanan, ialay ang sariling buhay para sa ating kaligtasan at muli ipaghanda sa buhay sa walang hanggan.
Jer 31:31-34; Ps 51;Heb 5:7-9 at Jn 12:20-33