INIHAHANDA raw ng Department of Justice ang kasong perjury o pagsisinungaling laban sa rape victim na si Nicole na ang totoong pangalan pala ay Suzette Nicolas. Sa ganang akin, hindi masisisi si Nicole kung nagpaareglo man at tuluyang umatras sa kasong rape laban sa US serviceman na si Lance Cpl. Daniel Smith. Kapit sa patalim marahil ang nangyari.
Kapalit ng kanyang pag-urong ang halagang P100,000 at ang pagpunta niya sa Amerika para doon na mamirmihan. Maliit ang halaga ng pera pero hindi ang pagpunta sa Amerika to stay there for good. Kahit sinasabing may financial crisis sa Amerika, itinuturing pa rin ng marami na ito’y isang “land flowing with milk and honey.” Marahil, pinangakuan siya ng magandang buhay ng pamahalaang Amerika basta’t huwag na lang niyang idiin si Smith sa karimarimarim na kasong panggagahasa.
Ang masaklap, binaliktad niya lahat ang kanyang naunang deklarasyon. Nag-apoy ang damdamin ng buong sambayanan sa malungkot na kuwento ni Nicole na nung una’y ikinubli pa ang tunay na pagkatao para pangalagaan ang kanyang karangalan. Pero ngayon, iba na ang kanyang istorya. Sinabi niya na dahil sa matinding kalasingan, kusa siyang nagpaubaya kay Smith at hindi siya ni-rape gaya nang una niyang salaysay. Nakonsensya raw siya kaya ngayo’y isinisiwalat ang buong katotohanan.
Ngunit umatras man siya sa kaso ay huli na. Nahatulan na si Smith bagamat nasa kustodiya pa rin ng US embassy habang wala pang desisyon sa kanyang apela sa Court of Appeals. Sabi ng dating abogado ni Nicole na si Evalyn Ursua, immaterial na ang pag-atras ni Nicole sa kaso dahil ang rape ay isang public crime. Kung may silbi man daw ito, ito’y para impluwensyahan ang mga justices na aakto sa apela ng kampo ni Smith. Hindi na si Nicole ang naghahabla kundi ang mga mamamayan ng Pilipinas.
Marami ang nagalit kay Nicole lalo na yung mga kababaihan na nagmalasakit sa kanyang causa at sumuporta sa kanyang laban. Bagamat hindi ko sinisisi si Nicole sa kanyang pagpapaareglo, hindi rin masisisi ang milyung Pilipino na nagalit sa kanya. Sa pagsasabing lasing siya at kusang isinuko ang kanyang puri kay Smith ay kasiraan sa bawat kababaihang Pilipino. Lalong bababa ang tingin ng mga dayuhan sa mga Pilipina at aakalaing lahat ay madaling sungkitin.
But it seems, pragmatism had its way in Nicole’s decision. Bakit nga naman siya magpa patuloy sa pakikipaglabang magdudulot ng matinding tensyon kung puwede naman siyang bigyan ng magandang kapalit sa kanyang karangalang nawasak?