ALAS-DIYES ng gabi nitong nagdaang Huwebes, isang tawag ang natanggap ng BITAG mula sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Isang paglusob o raid ang kanilang isasagawa sa isang barangay na pugad ng ipinagbabawal na droga sa Subic.
Ang Barangay Calapacuan umano ang tunguhan at puntahan ng mga gumagamit ng shabu sa Subic. Ito ay ayon sa impormante ng tanggapan ng PDEA.
Naisagawa na ng PDEA ang pagkumpirma sa impormasyong ito nang isang ahente ng PDEA ang kanilang ipinadala upang maging undercover.
Dala ang surveillance camera, huling-huli ang aktibida-des ng mga paroo’t paritong parokyano ng bawal na gamot.
Tatlong bahay ang kumpirmadong lantarang nagbebenta ng shabu. Bukod rito, “open for all” pa ang kanilang mga tahanan, pagkatapos bumili ay may session room pa sa kanilang bahay para sa mga gustong gumamit agad ng droga.
Walang kiyeme ang gamitan dahil kahit kaharap at nanonood ang mga batang paslit sa paghithit ng usok mula sa shabu at foil na gamit ng mga durugista, tuloy-tuloy lang ang ligaya.
Lahat ng ito ay naidokumento ng surveillance camera sa pamamagitan ng mga PDEA undercover.
Kaya’t sa bisa ng search warrant, ikinasa ng tangga-pan ang isang raid para sa mga target sa Barangay Capacuan, Subic.
Alas-dos y media ng madaling-araw ng simulang mag-briefing ang mga ahente at opisyales ng PDEA kasama na ang grupo ng Philippine Coast Guard, Mission X at BITAG.
Sa loob ng Law Enforcement Office ng Subic Bay Metropolitan Authority o SBMA, pinag-aralang maigi ang mga pasukan at labasan at iba pang pasikut-sikot sa target na lugar.
Alas-sais ng umaga, pagputok ng araw, isinagawa ang nasabing paglusob. Naging matensiyon ang nasabing raid dahil sa sikip ng lugar at dikit-dikit na kabahayan.
Subalit hindi ito naging balakid sa PDEA, PCG, K9, BITAG at Mission X upang hindi maging matagumpay ang nasabing operasyon.
Tinatayang umabot sa 99,000 (street value) ang halaga ng mga drogang na kalap ng mga operatiba sa nasabing raid.