Jesus, templo ng ating buhay

IKATLONG linggo ng Kuwaresma, nagpapaalala sa atin ng kautusang ibinigay sa atin ng Diyos sa pamamagitan ni Moises. Ang 10 utos ng Diyos ay dapat pagnilayan ngayong 40 araw upang ating pagsisihan ang nagawang kasalanan.

Hindi lamang sa panahong ito ng Kuwaresma tayo dapat magsisi at humingi ng kapatawaran. Bawat gabi bago tayo matulog ay dapat humingi ng tawad sa Panginoon ganundin sa mga kasama sa ating tahanan. Ibinibigay sa atin ang kautusan ng Diyos upang sundin natin Siya at mamalagi tayong gumagawa sa kabutihan sa ating kapwa. Maging si Pablo ay lubusang nangaral na si Jesus ay ipinako sa krus para sa kaligtasan ng lahat na hindi matanggap ng Kanyang kapwa noong araw.

Ipinakita sa atin ni Jesus ang ginawa niyang paglilinis ng templo ng Jerusalem, pinalayas at pinagtabuyan niya ang mga mangangalakal sa loob ng templo sa halip na gawing bahay dalanginan. Paano ba natin iginagalang ang ating mga bahay dalanginan? Marami pa sa ating mga Kristiyano-Katolikong Pilipino ang hindi pa lubusang nagpapahalaga sa ating pangingilin, pagsamba sa     Diyos at pagtupad sa ikatatlong utos ng Diyos.

Sa ating pagpasok sa ating mga simbahan ay meron tayong tinatawag na obligasyon at debosyon. Ang Linggo ay ating obligasyon sa Diyos upang tayo ay magpuri at magpasalamat sa Kanya. Ang ibang mga araw na tayo ay sumisimba ay ang ating debosyon. Kadalasan ay hindi natin lubusang nalalaman na ang Lunes ay debosyon natin sa Espiritu Santo; Martes - San Antonio de Padua; Miyer­kules - Ina ng Laging Saklolo; Huwebes - St. Jude; Biyer-nes - Sacred Heart of Jesus; at Sabado - Mama Mary.  

Ang Linggo ang ating obligasyon upang sumunod tayo sa Utos Ng Diyos na mangilin tayo. Ang mga debosyon ay ang ating mga paghingi ng tulong sa kalangitan; Espiritu Santo upang tayo ay liwanagan sa ating mga gawain at desisyon sa bu­hay. Kadalasan, hindi natin alam na ang Lunes ang araw na sinisimulan natin mga tra­baho natin. Kaya sa halip na maging “bising-bisi”, humingi ng liwanag sa Espiritu Santo. Higit sa la­hat ang Linggo ang katutu­ran ng pangako ni Jesus sa muli niyang itatayo ang templo sa loob ng tatlong araw. Ang templong ‘yan    ay mismong si Jesus na Muling Nabuhay at patuloy na nabu­buhay sa ating puso at isipan. Kaya iga­lang natin at sundin ang mga Utos Ng Diyos at pag­galang sa Templo – Sim­bahan na itinayo ni Jesus para sa atin.

Ex20:1-17; Ps19; 1 Cor 1:22-25 at Jn2: 13-25f

Show comments