EDITORYAL - Sa SEC, nawala na ang delikadesa

SA ibang bansa, marami ring nangyayaring ano­malya na kinasasangkutan ng mga government official. Pero kapag nabuking o nabulgar ang ginawa nilang mga anomalya at kabuktutan, sila na rin mismo ang kusang bumibitiw sa puwesto. Ang iba para wala nang masyado pang pag-iimbestiga na gagawin sa kanila, pinarurusahan na ang sarili — pinapatay na nila ang sarili. May nagbabaril, may umiinom ng lason at may tumatalon sa mataas na building. Sa Japan at Korea ay karaniwan nang ginagawa ang ganito. Meron pa kasing natitirang delikadesa sa kanila. Ang pag-utang sa buhay ang palagay nilang kabayaran sa ginawang kasalanan.

Dito sa Pilipinas ay walang ganoon. Dito kahit binatikos na nang binatikos at tinatadtad na ng pino ang pangalan ng pinunong kasangkot sa anomalya, hindi nayayanig sa kinapupuwestuhan. Kahit na ginigiling na ng mga mambabatas sa walang puknat na pagtatanong at imbestigasyon, hindi nagpapakita ng delikadesa. Kakaiba dito sa Pilipinas, na pakapa­lan na lang ng mukha. Mas makapal, mas maganda.

Isang halimbawa ay ang kontrobersiya sa Secu-rities and Exchange Commission (SEC) kung saan   ang commissioner na si Jesus Martinez ay tu­manggap umano ng suhol kay Celso de los Angeles, may-ari ng Legacy Group. Kabilang sa mga tinanggap na suhol ng SEC commissioner ay bahay, lupa at sasakyan. Ang suhol ay para maprotektahan ang Legacy na pag-aari ni Celso de los Angeles. Naban­karote ang mga banko at pre-need firms ni De los Angeles at sa kabila niyon, walang ginawa ang SEC para sa kapakanan naman ng mga kawawang maliliit na depositors. Lubhang kaawa-awa ang mga depositors na nagtiyagang maghulog sa kanilang account sa Legacy hanggang sa matuklasang naban­karote. Ginamit ni De los Angeles ang pera para sa pansa­riling kapakanan. Pinatotohanan ito ng dala­wang dating tauhan ni De los Angeles na tumestigo.

Kung umaalingasaw sa baho si De los Angeles, kasama ring umaalingasaw ang SEC. Kakahiya ang SEC kahit na pinagbakasyon ng Malacañang si Martinez. Siguro dapat magsipagbitiw ang lahat ng SEC official para maisalba ang tanggapan. Pero sa aming palagay ay mahirap mangyari ang pagbibitiw sapagkat wala na ngang delikadesa. Hindi na alam ng mga taga-SEC ang kahulugan ng delikadesa.

Show comments