HULING-huli sa akto at pasok na pasok sa mga nakakalat na surveillance camera ang mga kolokoy sa buong lungsod ng Maynila.
Ito ang nasaksihan ng BITAG ng ipakita sa amin ni Manila Police District Director Gen. Roberto Rosales ang kanilang pinakabagong instrumento sa pagsugpo ng krimen sa buong Kamaynilaan.
Sa kasalukuyan, 56 closed circuit television (CCTV) camera ang nakakalat at patagong nagmomonitor 24/7 sa buong Kamaynilaan.
Buong pagmamalaking ipinakita sa BITAG ni Gen. Rosales ang kanilang CCTV Monitoring room kung saan personal niyang ipinaliwanag sa amin ang kahanga-hangang features ng mga CCTV na nabanggit.
Hindi ito tinipid, at hindi mga basta-bastang CCTV cameras lamang ang mga ito, sabi nga.
Kayang umikot ng kanilang CCTV ng 360 degree kung saan buong paligid ng isang lugar, maaaring ma-monitor nito kahit sa kasuluk-sulukan.
Puwede rin itong gumalaw, pataas at pababa kaya walang puwedeng pagtaguan ang mga masasamang elemento na gagawa ng krimen sa Maynila.
Higit sa lahat, ang pinakaimportanteng feature ng mga CCTV cameras na ito, kaya nitong mag-zoom in o face recognition ng higit sa regular na kayang gawin ng isang CCTV camera.
Dito, siguradong walang lusot ang sinumang gagawa ng krimen dahil mas madali silang matutugis ngayon ng Manila Police dahil madodokumento ang kanilang mukha sa mga CCTV cameras na ito.
Gayundin ang mga pulis na naglilibot lamang at nag-aaksaya ng gasolina dahil naggugudtime lang, sa pamamagitan ng teknolohiyang gamit ng MPD, kayang i-trace ang mga mobile ng pulisya kung saang lugar ito naroroon.
Ito rin ay isang mabisang paraan upang madaling masawata ang kabuktutang ginagawa ng ilang pulis sa Maynila katulad ng Hulidap at Kotong.
Hindi na basta-basta puwedeng magdeny ang kahit sinong gumawa ng krimen dahil dokumentado at may ebidensiyang nakuha ang CCTV cameras ng MPD.
Saan-saan nakakabit ang mga CCTV cameras na ito? Panoorin bukas ng gabi sa BITAG.
Abangan!