HUMANGA ang Manileños sa liderato ni Manila Mayor Alfredo S. Lim nang ipakita nito sa sambayanan na kahit na menor de edad lamang ang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang nurse ay dapat lamang na isama sa kulungan ng mga matatanda at pusakal na kriminal.
Karumal-dumal ang ginawang krimen ni Saquito nang pagnakawan nito at barilin habang natutulog ang biktimang si Rosalie Turcolas noong February 23, 2009 sa tinutuluyan nitong condo unit sa Sta. Cruz, Manila. Dahil sa naging desisyon ni Lim, natuwa ang kapulisan dahil may kakampi na silang masasandalan para malipol ang mga naghahari-hariang kabataan sa lansangan, hehehe! Kadalasan kasi mga suki, nagiging pangunahing problema ng kapulisan ay ang paghuli sa kabataang violators matapos ipagbawal ng batas na ikulong sila sa mga piitan ng mga kriminal.
Lalo pang lumaki ang ulo ng mga kabataan nang katigan o kunsintihin pa umano ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagharap nito sa mga mamamahayag. Kaya kapuna-puna na pawang kabataan ngayon ang pangunahing problema ng lipunan, mga suki.
Dahil sa naging aksyon ni Lim na isama ang 17 anyos na si Saquito sa piitan ng mga pusakal ay nagbunyi ang kapulisan at maging ang Manilenos. Para sa inyong kaalaman mga suki, nag-ugat ang pag-aresto kay Saquito nang tumuga ang kasama nitong si Edmund Gomeng, tricycle driver sa ginawang krimen sa condo unit ni Turcolas.
At dahil may sama rin ng loob si Gomeng kay Saquito ay inginuso nito sa kapulisan ang pinagtataguan nito sa Bulacan. Hehehe! Ayon sa mga pulis na aking nakausap, ginahasa rin umano ni Saquito ang asawa ni Gomeng kaya labis ang galit sa kakosa. Hindi lamang pala kilabot na akyat bahay si Saquito kundi ahas at duhapang pa sa laman. Hehehe! Mantakin n’yo mga suki, maging ang kanyang kaibigan ay inahas. At ang baril na ginamit umano ni Saquito sa pagpatay kay Turcolas ay ang itinutok din sa asawa ni Gomeng. Bangag umano si Saquito sa Valium nang gahasain ang asawa ni Gomeng.
Kaya nararapat lamang na isama si Saquito sa kulungan ng mga pusakal ayon kay Lim at kapulisan. Kaya noong isang araw, iniharap ni Lim sa mamamahayag ang mga suspek upang ipakita sa madlang people at makilalala ang mga ito. Kabilang sa mga iniharap ni Lim sa press conference sa Bulwagan ng Manila City Hall ay ang ama ni Soquito na si Joseph. Hinahanting na sa kasalukuyan ang ilan pa nilang kasamahan sa brutal na pagpatay kay Turcolas.
Kayong mga kabataan na nalilihis ng landas, magbago na kayo sa masamang gawain dahil sa darating na mga araw ay matutulad din kayo sa kinalalagyan ni Saquito na isinama sa mga kulungan ng pusakal. Ano kaya ang magiging reaction ng CHR sa pagiging marahas na aksyon ni Lim? Abangan!