May pag-asa pa kaya ang election computerization?
TILA lumilinaw na, malamang hindi makukuha ng Comelec ang hinihingi nilang karagdagang pondo para mapatupad ang isang fully- automated election sa 2010. Ito yung paggamit ng mga makina at computer para magbilang ng mga boto, para hindi na ang ilang dekada nang ginagamit natin na mano-mano na bilangan. At isang mahalagang dahilan kung bakit sinusulong ng Comelec ang modernong sistema, ay para mabawasan o tuluyang mawala na ang dayaan sa bilangan tuwing nagkakaroon na lang ng eleksyon sa bansang ito.
Inaprubahan na ng Kongreso ang pagpalabas ng pera. Pero, ang siste, kailangan pa palang isabatas ang isa pang bill para sa pag-automate ng eleksyon, ang Automation Law! Kailangang lumusot sa dalawang Kamara ang panukalang ito, bago maging batas. Eh alam naman natin kung sino ang may hawak ng Kongreso, ang Malacañang. Kaya kayo na ang manghula kung mangyayari na luminis ang eleksiyon sa pamamagitan ng computer o hanggang pangako na lang ito.
Matagal nang gusto ng mamamayan ang isang pamamaraan ng pagbilang sa eleksyon na mapagkakatiwalaan nang husto. Ang “Hello Garci” na iskandalo kung saan umano’y sangkot ang isang opisyal ng Comelec at ang Presidente sa dayaan sa bilangan ang lalong nagbigay kahalagahan sa pagbabago ng sistema sa pagbilang. Ipinangako pa nga ni President Arroyo ang pagbabago sa sistema noon pang kauna-unahang SONA niya. Pero ang nangyari lang ay isa pang anomalya kung saan sangkot si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos Sr. ang nangyari. Ito ay sa pagkabili ng mga kagamitan para sa naturang automation.
Nahatulang taliwas ng Korte Suprema and nasa-bing pagkakabili ng mga kagamitan, nagkakahalaga ng mahigit P1-bilyon lang naman. Pero ang mga computer sa ngayon ay nabubulok na lang sa isang bodega! Pagkatapos ay inabsuwelto naman ng Ombudsman si Abalos sa naturang kaso! Ganyan kalakas ang Ombudsman sa administrasyong ito! Mas mataas pa sa Korte Suprema!
Ang bagong Comelec chairman na si Jose Melo na mismo ang nagsabi na magkakaroon lang ulit ng malawakang dayaan kapag hindi naipatupad ang automation sa 2010. Hindi rin uubra ang “hybrid” na sistema, kung saan ang pambansang eleksyon ay automated at ang lokal naman ay mano-mano. Bakit nga naman dalawang sistema pa ang gustong gamitin ng mga congressman na ito, eh hirap na nga sa isa! Sinubukan na ng COMELEC ang automated na sistema sa isang lugar sa Mindanao, at matagumpay ang kinalabasan. Nabilang kaagad ang mga resulta. Hindi linggo o buwan ang inabot — para makabigay daan sa dagdag-bawas.
Hindi na nakapagtataka kung bakit mas mabagal pa sa pagong ang paglakad ng batas para mapatupad na ang automation. Marami namang mga halal na opisyal ang nanalo la mang dahil sa dayaan. Kung magiging tunay na malinis ang halalan, sigurado ako na hindi mananalo ang iba diyan. Isabay pa ang unti-unting pagsulong ng Kamara ng Cha-cha, eh lumilinaw na talaga ang gustong mangyari ng Pa lasyo bago dumating ang 2010!
- Latest
- Trending