NAGING kontrobersyal ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nang ibunyag nito ang umano’y pakikipagsabwatan ng ilang prosecutors sa mga taong may kaso sa droga tulad ng tinatawag na “Alabang Boys”. Pakikisabwatan upang makalusot sa asunto. Marami ang kumampi sa PDEA sa usaping ito bagamat mayroon ding pumanig sa mga prosecutors. Hindi naman kasi puwedeng mag-generalize sa paggawa ng ano mang alegasyon.
But in fairness, may na-establish na integridad ang PDEA. May ipinakikita itong determinasyon o passion sa gawaing sugpuin ang droga sa bansa. Hindi rin ito basta-basta masusuhulan ng mga natitiklong drug lords pati na ang kanilang mga galamay. Kaya marahil yung ibang sangay ng law enforcement ang tinatangkang suhulan ng mga sindikato.
Ayon sa operations director ng ahensya na si Maj. Roy Anthony Derilo, patuloy na nagtatagumpay ang kampanya ng PDEA laban sa katiwalian, at ang pinagkakautangan daw ng ahensya ay ang Presidential Anti-Graft Commission (PAGC).
Ani Derilo, dahil sa kampanya ng PDEA, tumaas nang 21 porsyento ang bilang ng mga convicted na suspek mula sa 5,492 noong 2007 na naging 6,649 noong nakaraang taon. Bukod diyan, ang pagkawala ng droga na dati’y naglipana sa lansangan at ang patuloy na pag-usig ng ahensya sa 2 police colonel, 5 drug enforcement officers (DEO) at 19 na testigo ng pulis ay patunay sa tagumpay ng misyon ng ahensya.
Marami ang naitulong ng PAGC sa PDEA. Kasama na riyan ang financial, professional at technical support, kaya ang PDEA ngayon ay mayroon nang 355 organic DEOs. Noong araw kasi, ang mga tauhan ng PDEA ay kung saan-saang ahensya ng law enforcement hinihiram kaya ang mga ito’y posibleng matuksong gumawa ng katiwalian. Matiwasay ding natapos ang pagsasanay sa 250 bagong DEOs sa PDEA Academy. Na-institutionalized din ang internal controls sa procurement at computerized na ang pagmamatyag sa lahat ng field operations ng ahensya, ani Derilo.
Nagpapatupad din ang PDEA ng Integrity Development Action Plan (IDAP) na kinapapalooban ng 22 paraan sa pagbaka sa korapsyon. Nahahati ito sa apat na larangan: Prevention; education, deterrence at strategic partnership sa iba’t ibang sector.
Sana’y magpatuloy ang magandang partnership ng PAGC at PDEA sa layuning tuluyang putulin ang lahat ng katiwalian sa lipunan.