(Part 1)
MAY mga tao nga kaya na sadyang pinipili lamang ang kaniyang nais makita, marinig, madama, paniwa laan at panindigan — kahit na naghuhumiyaw na ang taliwas na katotohanan? O kaya’y mga taong inutil sa mga pangyayari sa kanyang paligid, at namumuhay sa isang mundo na likha na lang ng kanyang pag-iisip? Ang pinaka-natatandaan ko ay iyong ministro ng impor masyon sa Iraq, noong kasalukuyang nilulusob na ng mga Amerikano ang Baghdad. Siya ang laging pinahaharap sa mga international journalists at nagbibigay ng mga press release na natatalo na raw nila ang mga Amerikano, napigilan nila ang mga pagsalakay ng mga Ingles, at nananalo na sila sa digmaan. Hanggang sa pinakahuling minuto bago tuluyan nang pumasok ang mga tangke ng Amerikano sa Baghdad, nagbigay pa rin siya ng mga ulat na, sa pasya ng mga manunulat at periodista sa Iraq, ay puro kalokohan kundi ilusyon na lang! Pero seryosong-seryoso pa rin yung ministro na tila buong paniniwala sa kanyang sinasabi. Natural, sa huli, napahiya na lang ito at naglaho na lang.
Parang ganito yata ang nangyayari kay President Arroyo, nang magpahayag siya na kailangang magkaroon ng pagbabagong moral ang gobyerno, upang masugpo ang katiwalian, at maging maganda ang asal ng mamamayan. Heller? Seryoso ba ang Presidente nang sabihin niya ito? Hindi ba niya alam ang kaliwa’t kanan na mga isyu na bumubulok na sa kanyang nangangamoy nang administrasyon na umaalingasaw na ang kabulukan? Hindi ba niya napapanood ang mga anomalya na halos sunud-sunod nang iniimbestigahan sa Senado? Wala yata siyang karapatan na magsalita ng tungkol sa “moral recovery”, habang napakarami sa kanyang mga opisyal at mismong kapamilya ang nasasangkot at nadadawit sa anomalya at katiwalian! Di kaya ito sinadya ng Palasyo para kantiin ang mga bumabatikos sa administrasyong Arroyo? Manhid na sa batikos at kritisismo ang administrasyong ito, kaya wala na rin silang pakialam kung ano pa ang kanilang sabihin, kahit sadsad na ang kanilang popularidad — ang pinakamababang antas ng pagtanggap ng publiko sa isang Pangulo sa buong kasaysayan ng Pilipinas. (Itutuloy)